Overall leadership sa Ronda, patitibayin ni Oranza at Navymen
SILANG, Cavite – Nasa unahan ng pulutong si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance. Ngunit, hindi ito dahilan para magpa-petiks ang red jersey owner. May tatlong araw na pahinga para sa mga tinaguriang ‘road warriors’, subalit imbes na mag-siesta, kaagad na tinahak ni Oranza ang ruta para maging pamilyar bago ang pagsikad ng Stage 9 ng 2018 LBC Ronda Pilipinas sa Huwebes.
Napanatili ng 25-anyos ang tangan sa overall individual classification matapos ang apat na podium finishes, tampok ang tatlong stage victory para makalikom ng kabuuang 21 oras, isang minuto at 56 segundo --- halos pitong minuto ang layo niya sa kasangga at two-time defending champion Jan Paul Morales. Nakabuntot si Go for Gold Developmental team’s Jay Lampawog (21:19:31).
Kabilang sa top 10 sina Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology (21:20:02), Navy’s John Mark Camingao (21:20:24), Go for Gold’s George Oconer (21:20:51), Go for Gold Developmental team’s Ronnel Hualda (21:21:29), Navy’s Rudy Roque (21:21:42), CCN Superteam’s Irish Valenzuela (21:22:04) at Navy’s Junrey Navara (21:22:08).
Sa kabila nito, ayaw pakumpiyansa ni Oranza. Aminado siya na hindi pa sapat ang kanyang bentahe at isang pagkakamali lamang ay maaring magdulot nang kabiguan.
“Hindi puwede mag-relax. Kailangan maging matalino sa laban. Walang makapagsasabi na magkakaroon ka ng aberya o ma-involved sa aksidete. Siyemre extra ingat kami, wala tayong magagawa kapag sinubok ng pagkakataon,” pahayag ni Oranza.
Tunay na mapaghamon ang susunod na tatlong ruta, simula ang 207.2km Silang-Tagaytay Stage Nine sa Huwebes, 147.8km Tagaytay-Calaca Stage 10 sa Biyernes at 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 sa Sabado.
Naghihintay ang P1 milyon sa kampeon sa pamosong cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Magtatapos ang karera sa magaan na Stage 12 Criterium sa Filinvest, Alabang sa Linggo.