Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sa kabila ng palitan ng maaanghang na salita nina Pangulong Rodrigo Duterte at United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad al-Husein, sinabi ng Malacañang kahapon na welcome pa rin ang special rapporteurs na pumunta at mag-imbestiga sa Pilipinas basta sila ay maging patas.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sabihin ni Zeid na kailangang sumailalim ni Duterte sa psychiatric check, at sumagot naman si Duterte na ipapakain niya sa mga buwaya ang UN special rapporteurs.

Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Roque na kahit na hindi nararapat ang mga sinabi ni Zeid, hindi nito maaapektuhan ang pagiging bukas ng Pilipinas sa UN special rapporteurs na mag-iimbestiga sa mga pagkamatay sa giyera kontra droga at mga diumano’y paglabag sa karapatang pantao.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Batanes

“We welcome special rapporteurs provided they be impartial, neutral and willing to investigate, rather than those already having conclusions and wanting to justify them through an investigation,” ani Roque.

Muling idiniin ng opisyal ng Palasyo na ang mga komento ni Zeid laban sa Pangulo ay hindi katanggap-tanggap at insulto sa soberanya ng bansa.

“I think the matter of the statement by the UN High Commissioner on Human Rights is being treated very seriously. It’s being treated as a diplomatic affront. It’s wholly unacceptable,” ani Roque.

Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Roque na hindi excuse ang mga patutsada para harangin ang UN rapporteurs sa pagpunta at pag-imbestiga.

“Well, the comments are wholly unacceptable. And I would say that for now, there are already communications between no less than the UN Secretary-General and the Secretary of Foreign Affairs,” aniya.

Sinagot din ni Roque ang mga batikos ng ilang netizens na nagsabing nainsulto ang Palasyo sa lengguwaheng ginamit ni Zeid habang mismong si Duterte ay minura si dating US President Barack Obama.

Ipinaliwanag ni Roque na dahil pinapahalagahan ng UN system ang soberanya ng mga kasaping estado nito, dapat ding biyan ng parehong paggalang ng mga opisyal nito ang heads of states.

“I’ve said already over the weekend that we especially take offense because the President is a democratically elected leader of this nation,” aniya.