Ni ANNIE ABAD

OROQUIETA CITY -- Humakot ng kabuuang limang gintong medalya ang batang swimmer ng Dipolog na si Leano Vince Dalman matapos maidagdag ang dalawang event sa pagpapatuloy kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC) Batang Pinoy Mindanao Leg sa Misamis Occidental Provincial Athletics Complex (MOPAC) dito.

Ipinadama ng 12-anyos na si Dalman ang bangis sa pool nang sungkitin ang 100m Backstroke Boys 12-under sa oras na 1:14.44, gayundin ang 50 meters Butterfly Boys 12-under sa tyempong 31.53 segundo. Nakamit niya ang unang tatlong ginto sa 50m backstroke boys 12-under, 100m Butterfly boys 12-under at 200m individual medley boys 12-under.

Nais ng batang swimmer ng Dipolog na sundan ang yapak ng kanyang idolong swimmer na si Michael Phelps at maging isang kilalang olympic swimmer sa hinaharap.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Masayang masaya po ako, very proud and thankful po kay God, sa family, sa coach at sa teammate po. Naging malaking inspirasyon po sa akin ang pamilya ko at siyempre yung idol ko po na si Michael Phelps, kasi magaling po siya,” pahayag ni Dalman na kung saan ang mismong kapatid din niya na si Leonardo Dalman III ay kasalukuyan ding lumalaban sa swimming competition sa Japan.

Samantala, pumangalawa naman sa 100m backstroke boys under 12 si Ronel Gerad Cucharo ng Davao del Norte sa kanyang 1:19.17 na natapos sa orasan para sa silver at bronze naman ang nakuha ng Iligan City sa pmamagitan ni Joshua Aban sa 1:21.43.

Sa 50m butterfly, pumangalawa si Rajul Mustaman ng Tawi Tawi sa kanyang naitalang 32.23, habang si Anton Rafaele Malayang ng Bukidnon ang siyang nakapag uwi ng bronze (34.22).

Sa athletics, tatlong magkakasunod na ginto ang sinungkit ng 15-anyos na atleta buhat Davao City na si Andrea Annabela de Guia sa tatlong magkakahiwaly na events ng 1500m run 13-15 girls, 400m dash 13-15 girls at 3000m run 13-15 girls.

Pinangunahan ni de Guia ang 1500m run sa kanyang naitalang 5:05.4 sa orasan para kunin ang ginto, habang silver naman ang nakuha ng kanyang ka teammate na si Reza Tuba sa kanyang 5:06.3 at bronze naman ang para kay Annie mary Depone ng Sto. Tomas Davao del Norte sa kanyang natapos na 5:22.3.

Naitala ni de Guia ang kanyang ikalawang ginto buhat sa 400m run sa tyempong 1:02 kasunod si Sweet Joy Pantaleon ng Koronadal City sa 1:06 para sa silver at Mel Joy Gonzales ng Sto. Tomas Davao del Norte para sa bronze. Ang ikatlong ginto ni de Guia ay buhat sa 3000m run kung saan nagtala siya 11 minuto at apat na segundo.

Ito ang unang pagkakataon na nakasungkit ng tatlong gintong medalay si de Guia, mula noong sumabak siya sa Batang Pinoy apat na taon na ang nakakaraan. Naging inspirasyon niya ang kanyang ina na si Annabelle.

“Masayang masaya po. Hindi po ako makapaniwala kasi first time po ito na nagyari sa akin. para po sa mama ko ang panalo na ito. Kasi siya lang po ang bumuhay sa akin mag-isa,” mangiyak ngiyak na pahayag ni de Guia. “Gusto ko pong maging katulad ng mga iniidolo ko gaya po nila Lydia de Vega at mary Joy Tabal po,” aniya.

Sa iba pang resulta, bumida naman sa arnis sina Walter Sam at Jeferd Amen ng Iligan City ang Anyo event Team (single weapon) boys 13-15, habang silver naman ang naiuwi ng tandem nina Abdulkadil Jammang at Elijah Yuan Sanchez ng Zamboanga City samantalang bronze naman ang kina Donald Febapas at Ramon Lee Jr. ng Davao City.

Sa Anyo Team double weapon boys 13-15 ay bumida sina Keith Mantua at Keir Andrei Escote ng General Santos City habang silver ang kina Avelino Pascual Jr. at Dwhite Gargantilla ng Koronadal City, samantalang bronze ang siyang naiuwi ng pambato ng Davao del Norte na sina Cyber John Lagula at Caesar John Manuingas.

“Dapat ang isport na Arnis talaga ang pinagtuutuunan ng pansin nating mga Pilipino kasi National Sport natin ito.

At maraming mga bata na talagang talented when in comes to Filipino Martial Arts,” ayon naman sa tournament manager na si GM Efren Apresto.

Sa Medal Tally nangunguna ang Davao del Norte sa kanilang naitalang 23 ginto, 16 na silver at 18 bronze sa kabuuang 57 medalya, kasunod ang Zamboang City sa kanilang 20 golds, 3 silver at 10 bronze na may kabuuang 33 medalya. Nasa ikatlong puwesto naman ang Koronadal city sa kanilang 16 golds, 14 silver at 13 bronze namay kabuuang 43 medalya.