Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Arestado ang second lieutenant officer ng Philippine Army, at ang dalawa niyang kasama, na umano’y sangkot sa illegal drug trade sa buy-bust operation sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Iniharap ni Quezon City Police District director Guillermo Eleazar sa media si 2nd Lt. Hamel Samsodin, 31, at ang live-in partner niyang si Aslimah Aliba, 23, kapwa ng Barangay Pasong Putik, Quezon City; at Mohair Mamalampac, 28, ng Caloocan City.

Sinabi ni Eleazar na ang operasyon ay resulta ng kanilang drug sting noong Pebrero 12, at si Samsodin ang itinurong drug supplier ng limang inaresto.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Matapos makumpirma sa Armed Forces of the Philippines na si Samsodin ay aktibong miyembro ng army, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng QCPD Drug Enforcement Unit, District Special Operations Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, at ang AFP laban sa suspek.

Isang undercover police officer ang bumuo ng drug deal para sa P60,000 halaga ng umano’y shabu mula kay Samsodin sa Sampaguita Street, Barangay Pasong Tamo, dakong 10:30 ng gabi.

Matapos ang transaksiyon, nakatunog umano si Samsodin na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya agad siyang sumakay sa kanyang sedan (MO5702) at humarurot kasama ang kanyang mga kasabwat at nagkaroon ng habulan.

Natapos ang limang minutong habulan sa panulukan ng Dollar St., at Mark St., sa Bgy. North Fairview.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang 25 gramo ng hinihinalang shabu, isang caliber 45 Armscor, isang caliber 45 Swissvale, isang M-16 armalite rifle replica, mga bala, at isang granada.