DUGONG BUHAY! Matamang nakikinig si John Ross de Sosa, double gold medalist sa archery, sa ama na si Jonathan, Millennium Palaro medalist sa pagtatapos ng kanyang event sa ikalawang araw ng aksiyon sa PSC-Batang Pinoy sa Misamis Occidental Provincial Athletics Complex (MOPAC).
DUGONG BUHAY! Matamang nakikinig si John Ross de Sosa, double gold medalist sa archery, sa ama na si Jonathan, Millennium Palaro medalist sa pagtatapos ng kanyang event sa ikalawang araw ng aksiyon sa PSC-Batang Pinoy sa Misamis Occidental Provincial Athletics Complex (MOPAC).

NI ANNIE ABAD

OROQUITA CITY -- Nagtala ng tatlong gintong medalya sa swimming ang pambato ng Dipolog City na si Leano Vince Dalman sa ikatlong araw ng aksiyon sa Philippine Sports Commission -Batang Pinoy Mindanao leg kahapon sa Misamis Occidental Provincial Complex dito.

Winalis ng 12-anyos na si Dalman ang dalawang event na nilahukan kahapon – boys 12-under 50m backstroke (33.67) at 12-under 100m Butterfly (1:13.50).

19-anyos na Pinay tennis player, umariba sa Miami Open; pinataob world's no. 2

Sa ikalawang araw ng kompetisyon nitong Miyerkules, naiuwi ni Dalman, Grade Six sa Pilot Demonstration School sa Dipolog City, ang kanyang unang ginto sa Boys 12-under 200m individual medley sa tyempong 2:37.22.

"Happy po ako kasi nanalo po ako at para sa parents ko po ang panalo ko na ito," ayon sa mahiyaing anak ng Civil Engineer na si Leonardo Dalman Jr. at MedTech na si Nanette Dalman.

Sa archery, naibulsa naman ni John Ross de Sosa ang dalawang magkasunod na ginto matapos na maasinta ang kanyang target sa 30m distance Cadet boys recurve sa iskor na 317, habang tumapos naman ito ng 336 sa kanyang 50m distance Cadet boys recurve category.

Ito ang ikatlong pagkakataon na nakasali sa Batang Pinoy ang 15-anyos na si De Sosa,Grade 9 sa San Roque National High School sa Zamboanga City. Ayon sa kanya, hindi siya nagwagi noong nakaraang edisyon kung kaya masayang masaya siya sa nakuhang panalo na nagbigay ng pagkakataon sa kanya na makarating sa Baguio City para sa National Finals.

"Masayang masaya po. Kasi hindi ko po iniexpect na makaka gold po ako ngayon at makakasali sa National Finals sa Baguio. Excited na po ako. Para po sa daddy at mommy ko ang panalo na ‘to," pahayag ni De Sosa, anak ni Millenium Palarong Pambansa medalist Jonathan De Sosa.

Sa chess, nasungkit nina Wesley Jovan Magbanua ng Davao City, Audrey Varn Ventura ng Sto. Tomas , DavNorte, Angel Joanna Halangdon ng Kidapawan City at Aliyah Rae Lumangtad ng DavNor ang gintong medalya sa kani-kanilang division.

Si Magbanua ay nanaig sa Boys 12-under Rapid at nagtala ng kanyang ikapitong sunod na panalo,habang si Ventura naman ay nagwagi sa 15-under boys at nagtala ng kanyang ikaapat na panalo,si Halangdon naman ay sa girls 15-under ang huli na Lumangtad ay sa girls 12-under.

Nanaig naman sa athletics ang pambatao ng Davao del Sur sa shot put (girls 13-15) na si Febie Joy Mancera matapos nitong itala ang 9.16 metro, habang si Peter Lachica naman ng South Cotabato ay nanalo sa 2000m walk (13-15 Boys).

Sa overall medal standings, nangunguna ang Davao del Norte sa kanilang 11 gintong medaly, bukod sa anim na silver at walong bronze medal. Kasunod naman nito ang Koronadal City sa kanilang 9 na ginto, 8 silver at 6 na bronze. Nasa ikatlong puwesto naman ang Davao City sa 6 na ginto, at 3 silver medal.

Ang nasabing kompetisyon ay naisakatuparan sa tulong ng host city Misamis Occidental sa suporta ni Governor Hermina Ramiro at Oroquieta City Mayor Jason Almonte.