Ni Aaron Recuenco
Ipinadala ng Philippine National Police (PNP) ang ikatlong pinakamataas nitong opisyal sa Western Visayas upang tumulong sa pagbibigay ng mahigpit na seguridad sa pinaplanong malawakang paglilinis sa Boracay Island sa Aklan.
Sinabi ni PNP Director General Ronald dela Rosa na ang lahat ng gagawin ni Deputy Director General Fernando Mendez ay aalalayan ng mga pulis mula sa Western Visayas regional police.
“Our DCO (Deputy Chief for Operations), General Mendez, is there. He is among those planning the Boracay clean-up,” sabi ni Dela Rosa.
Una nang binatikos ni Pangulong Duterte ang nangungunang tourist destination ng bansa dahil sa maling pagtatapon ng basura rito, at tinawag na “cesspool” ang kinilala bilang pinakamagandang isla sa mundo.
Matapos sabihin ng Pangulo na ipasasara ang Boracay, nagtulung-tulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang ayusin ang pagtatapon ng basura at tukuyin ang iba pang posibleng paglabag sa pangangalaga ng kalikasan.