Ni Cielo Lagmay
NATITIYAK ko na maraming nagkibit-balikat nang ipahiwatig ni Vice President Leni Robredo ang kanyang masidhing hangaring muling maglingkod sa Duterte administration. Kaakibat nito ang tanong: Bakit nanaisin pa niyang maging bahagi ng Gabinete ng Pangulo na mistulang nagtiwalag sa kanya sa kasagsagan ng kanyang pagtupad sa isang makatuturang misyon?
Hanggang ngayon, tulad ng isinasaad sa isang CNN interview, si Robredo ay nakahanda sa anumang tungkulin sa kasalukuyang pangasiwaan. Subalit kaagad itong sinagkaan ng Malacañang sa pahayag na wala itong nakikitang dahilan upang ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa ay maging bahagi ng Gabinete. Bunsod marahil ito ng paninindigan ni Robredo na kahit na siya ay bahagi ng naturang pamunuan, hindi siya mapipigilang magpahayag ng pananaw hinggil sa mga isyu na bumabagabag sa pamahalaan, lalo na ang tungkol sa sinasabing masalimuot na anti-drug drive, Charter change o Cha-Cha, martial law, at iba pa. Dapat lamang asahan na siya, at iba pang kaalyado niya sa oposisyon, ay hindi dapat nakahalukipkip lamang sa paglutang sa nasabing mga isyu.
Si Robredo ay magugunitang itinalaga ni Pangulong Duterte sa Gabinete bilang hepe ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Ngunit marami ang nabigla nang siya ay pinagbawalang dumalo sa isang Cabinet meeting na naging dahilan ng kanyang pagbibitiw sa tungkulin.
Hindi ko kakilala si Robredo. Subalit nasubaybayan ko ang kanyang panunungkulan simula pa noong siya ay isa pa lamang Kongresista sa Camarines Sur. Nakita ko ang kanyang makataong panunungkulan na batbat ng pagmamalasakit, lalo na sa malimit niyang taguriang mga nasa laylayan ng komunidad.
Hindi ko dapat panghimasukan ang kanyang buhay-pulitika. Gayunman, hindi ako naniniwala na siya ay dapat maghangad, kahit isang pahiwatig lamang, na bumalik sa isang ahensiyang halos sumipa sa kanya; sa isang tanggapan na ang kanyang pagbabalik ay hindi magiging katanggap-tanggap sa kanyang magiging kagaya sa tungkulin.
Bilang bahagi ng kanyang matapat na paglilingkod sa bayan, marapat na lamang atupagin ni Robredo ang makabuluhang misyon na tulad ng pagpapatatag sa pinamumunuan niyang Liberal Party; upang ito ay lalong tumibay at mahadlangan ang tila dumadaming paglilipat-bahay ng kanyang mga kapartido.
Higit sa lahat, marapat na lamang ituon ni Robredo ang pagpapalaganap ng suporta sa kanyang anti-poverty program – ang Angat Buhay – na natitiyak kong magpapaangat sa pamumuhay ng mga maralita.