Ni Bert de Guzman
USUNG-USO ngayon sa bansa ang paghahain ng impeachment complaint. Complaint dito, complaint doon. Kung sinu-sino na lang ang naghahain ng mga reklamo laban sa mga impeachable officials na umano ay “kinaiinisan” at wala sa “good graces” ng nasa kapangyarihan.
Sapul nang unang sampahan ng impeachment si ex-Pres. Joseph Estrada, sunud-sunod na ang pagsasampa ng mga reklamong impeachment. Si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay kung ilang beses na sinampahan ng impeachment, pero hindi nagtagumpay dahil hawak ni Aleng Maliit ang Kongreso noon.
Maging si ex-Supreme Court Chief Justice Hilario Davide ay sinampahan din ng kasong impeachment. Gayunman, walang nangyari sa reklamo. Tandaang si Davide ang SC Chief Justice noon na nagpanumpa kay Arroyo bilang bagong Pangulo matapos “sipain” si Pareng Erap ng umano’y People Power Numero Dos.
Hindi rin nakaligtas sa kultura ng impeachment complaint ang very popular na bagong halal na Pangulo ng bansa -- si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Isang matapang na kongresista, si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang naghain ng impeachment complaint laban kay Mano Digong. Itinapon lang sa basurahan ng mga kaalyado ni PRRD ang reklamo ni Alejano sapagkat hawak sa leeg ng Pangulo ang Kamara, na ayon sa mga kritiko ay isang “rubber stamp” ng Malacañang.
Ngayon, isang babae ang target ng impeachment complaint. Siya ay si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na sinampahan ng reklamo ng isang Atty. Lorenzo Gadon. Pangunahing isyu laban kay Sereno ang hindi pagbabayad ng tamang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth). Bukod sa kurapsiyon, may iba pang bintang si Gadon laban kay Sereno. Eh, sino ba si Gadon?
Samantala, halos tiyak nang mai-impeach ng Kamara si Sereno. Ang kaso ay ipadadala sa Senado, na mag-uusig sa kanya kung dapat siyang ma-impeach at palayasin sa puwesto, tulad ng nangyari noon kay ex-SC Chief Justice Renato Corona na mismong si ex-Pres. Noynoy Aquino umano ang naghangad na siya’y mapatalsik. Sinuhulan daw ng Malacañang ang mga senador ng milyun-milyong piso galing sa DAP upang ma-convict ang kawawang si Corona.
Samantala, tiniyak ni Senate Pres. Koko Pimentel kay Sereno ang isang “fair trial” laban sa kanya kapag umabot sa Senado ang reklamo. Si Sereno ay naghain noong una ng tinatawag na “wellness leave” bilang paghahanda sa madugo at matagal na paglilitis. Ngayon yata ay indefinite leave na. Sana ay hindi mangyari ang dinanas ng kawawang si Corona, na pinag-initan ni PNoy noon upang siya’y mapatalsik sukdulang suhulan umano ang mga senator-judges.