Ni Raymund F. Antonio

Dahil papalapit na ang panahon ng summer, nag-aalok ng trabaho ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga kolehiyala at mga out-of-school youth na naghahanap ng mga part-time job.

Inihayag kahapon ng DPWH na ang government internship program (GIP) nito ay tatanggap ng 40 kuwalipikadong kabataan para sa “learn-and-work experience in government” ngayong summer season.

Inihayag ni Public Works Secretary Mark Villar na ang mga estudyante sa kolehiyo at out-of-school youth, na edad 18 hanggang 23 at nasa ikalawang taon sa kolehiyo pataas, ay hinihikayat na mag-apply para sa GIP.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kapag natanggap, makatatanggap sila ng arawang sahod na 75 porsiyento ng minimum wage na P512 sa National Capital Region (NCR). Magtatrabaho sila sa DPWH main office sa Port Area, Manila sa loob ng dalawang buwan.

Ayon sa DPWH, hanggang Marso 9 maaaring magpasa ng requirements ang mga interesadong aplikante sa Capacity Development Division, Human Resource at Administrative Service.

Kabilang sa mga isusumiteng dokumento ang isang kopya ng birth certificate, kumpletong bio-data o personal data sheet, at dalawang 1x1 ID photo.

Isasagawa ang written examination para sa pagpili sa 40 intern sa Marso 16, ayon sa DPWH.

Ang mga matatanggap ay magsisimulang magtrabaho sa DPWH sa Abril 4 at magtatagal hanggang Hunyo 4.