Ni Fer Taboy
Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya kaugnay ng pamamaslang ng mga hindi nakikilalang lalaki sa dalawang mangingisda na posible umanong napagkamalang ‘asset’ ng militar sa M’lang, North Cotabato, nitong Huwebes ng hapon.
Sa report ni Supt. Bernard Tayong, hepe ng North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO), kinilala ang mga pinaslang na sina Jessie Samillano Puetes at Roberto Montero.
Aniya, natagpuan ang bangkay ng dalawa na lumulutang sa gilid ng Pulangi River sa Barangay Dungo-an sa bayan ng M’lang.
Ang mga biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Sinisilip pa ng pulisya ang anggulong posibleng napagkamalang mga asset ng militar ang dalawa kaya pinaslang.
Inaalam pa rin ng M’lang Municipal Police ang grupong nasa likod ng pamamaslang.