Ni FREDDIE C. VELEZ
MEYCAUAYAN CITY, Bulacan - Natiklo na ng pulisya ang tatlong kabataang lalaki na itinuturong gumahasa sa isang babaeng Grade 7 student sa Northville 3, Barangay Bayugo, Meycauayan City, Bulacan, nitong Lunes.
Kinilala ni Supt. Kim Cobre, hepe ng Meycauayan Police, ang isa sa mga nadakip na si Jeriemeh Padora Brusola, 18, binata, estudyante, ng Bgy. Bayugo, Meycauayan City.
Hindi naman pinangalanan ng pulisya ang dalawa pang suspek na kapwa 16 anyos.
Isinalaysay ni Supt. Cobre na Linggo ng gabi nang niyaya ng isang kaibigan ang biktima na magtungo sa bahay nito, para mag-inuman.
Nalasing umano ang dalagita at sinamantala ito ng tatlo at isinagawa umano ang panggagahasa.
Isinuplong ng biktima ang insidente sa kanyang ama, na nagsumbong naman kaagad sa pulisya, kaya mabilis na naaresto ang mga suspek.