Ni Bert de Guzman

WALONG estudyante sa University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law ang in-expel dahil sa pagkamatay sa hazing rites ni freshman Horacio “Atio” Castillo III sanhi ng kakila-kilabot na pambubugbog umano ng mga kasapi ng fraternity Aegis Juris.

-0-0-0-

Sa Varsitarian, ang UST official student publication, na pinaglalathalaan ko ng mga tula at artikulo noon, inihayag ng UST administration na narating ang ganitong kapasiyahan (expulsion) ng walong estudyante matapos ipasiya ng binuong komite na inatasang mag-imbestiga sa hazing na ikinamatay ni Atio, na nagkasala ang walong estudyante sa paglabag sa Code of Conduct and Discipline. Ang parusa ay expulsion.

-0-0-0-

Hindi tinukoy sa Varsitarian ang mga pangalan ng walong estudyante. Ang komite na inorganisa ni UST Rector Fr. Herminio Dagohoy OP noong Setyembre 19, ay binubuo ng anim na administrators at isang kinatawan ng UST Student Council. Nagtatanong ang taumbayan kung bakit kailangang manakit at mabugbog at makapatay ang mga fraternity gayong ang adhikain sa pag-recruit ng mga kasapi ay para sa kapatiran.

-0-0-0-

Walang karapatan ang China na pangalanan ang undersea features ng Philippine Rise o Benham Rise. Ito ang matapang na pahayag ni SC Senior Associate Justice Antonio Carpio.

-0-0-0-

Tanging ang Pilipinas lang ang may karapatan na magbigay ng mga pangalan sa mga ito (features) dahil ang lugar ay deklaradong bahagi ng teritoryo ng bansa. Ito ay saklaw ng guidelines ng International Hydrographic Organization-Interngovernmental Oceanographic Commission (IHO-IOC).

-0-0-0-

O, ano ngayon ang masasabi ninyo sa bagay na ito Pangulong Rodrigo Roa Duterte at presidental spokesman Harry Roque? Yuyuko lang uli ba tayo at tatameme sa isyung ito?