“MAY MINAMAHAL,” BIBIDA SA 4TH “REELIVE THE CLASSICS” NG ABS-CBN AT POWERPLANT CINEMAS
MULING mapapanood ang nakakakilig na kuwento ng 90s classic film tampok sina Aga Muhlach at Aiko Melendez na May Minamahal sa ikaapat na “REELive the Classics” restored film exhibition ng ABS-CBN at Powerplant Cinemas simula February 21 hanggang 27.
Ipinalabas noong 1993, istorya tungkol sa pagmamahalan ng kengkoy na si Monica (Aiko) na lumaki sa all-boys family at ang breadwinner na si Carlitos (Aga) na binubuhay naman ang isang bahay na puro babae simula nang mamatay ang kanilang ama.
Bukod sa pelikula ni Joey Reyes, mapapanood ang iba pang iconic films tulad ng Sana Maulit Muli, Ikaw ay Akin, Karma, Langis at Tubig, Kung Mangarap Ka’t Magising, Moral, at Labs Kita Okey Ka Lang?
Ang “REELive the Classics” ay bahagi ng advocacy campaign ng ABS-CBN Film Restoration group na Sagip Pelikula na naglalayong mapanatili ang Philippine cinematic legacy sa pamamagitan ng pag-restore ng classic Filipino films at maipapanood ito sa bagong henerasyon ng moviegoers gamit ang iba’t ibang platforms.
Huwag palampasin ang pagkakataong manood ng mga klasikong pelikula. Pumunta na sa Powerplant Mall para mapanood ang digitally restored and remastered films simula ngayong Miyerkules (Pebrero 21) hanggang Martes (Pebrero 27). Ang ticket ay nagkakahalagang P250 at mayroonh discounted price para sa estudyante na P150. Para sa buong schedule, bisitahin ang www.facebook.com/filmrestorationabscbn sa Facebook.
Simulan noong 2011 ngABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino. Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang pinakaunang restoration na ginagawa mismo sa bansa.
Mahigit 120 titulo na ang nai-restore ng ABS-CBN Film Restoration Project at ang ilan sa mga ito ay naipalabas na sa international filmfests, sa ating bansa mismo via red carpet premieres, naere sa free-to-air at cable television, sa pay-per-view at video-on-demand, nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.