Ni CHITO A. CHAVEZ
Bunsod ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang Boracay Island sa loob ng anim na buwan, ipinag-utos kahapon ni Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang agarang pagpapasara sa 300 establisimyento na nakumpirmang hindi nakatutupad sa mga batas na pangkalikasan, partikular sa kawalan ng sewage system.
Ito ang inihayag ni Cimatu sa paglulunsad ng Green Film Festival sa Cinema 2 ng SM North EDSA sa Quezon City.
Ang festival ay environment project ng DENR para sa mga estudyante sa kolehiyo at high school, katuwang ang Commission on Higher Education (CHEd), at SM Cares.
Sinabi ni Cimatu na inatasan na niya ang regional director sa isla sa Malay, Aklan, para isilbi ang notice of closure sa aabot sa 300 establisimyento na natuklasang hindi nakakonekta sa sewage system at wala ring maayos na water system.
“I have already ordered the Regional Director to start closing the establishments that are non-compliant. Ibig sabihin lahat ng mga establishments na hindi nag-comply, kasi meron kami, ‘yung environment office namin na similar we have now here, I gave them a mission to go to the resorts and see kung kung sino ang nakakonekta sa sewage system at kung sino ang hindi naka-comply. So, effective today ipapa-close ko ‘yun,” sabi ni Cimatu.
“So we expect this will continue until we are able to solve the problem in Boracay pati ang waste water and water doon na ginagamit. Ayoko na hindi matupad na utos ni Presidente. Inutos ko na ito sa regional director, so expect na umpisa na itong ating campaign. I’m cleaning the environmental of problem of Boracay starting with the sewage system,” anang kalihim.
Ang nasabing 300 establisimyento ay bumubuo ng 40 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga negosyo sa isla.
Una nang nagbanta si Pangulong Duterte na ipasasara niya ang Boracay kapag hindi nalinis ang pangunahing tourist spot sa mundo, na tinawag niyang “cesspool”.