Napipintong ipadala sa Zamboanga ang mga airport at security personnel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kapag nagkaroon uli ng insidente ng “tanim-bala” sa paliparan.

Ito ang banta ni Pangulong Duterte sa mga tauhan sa paliparan, sinabing patatalsikin sa kanilang mga puwesto at itatalagang magbantay sa Mindanao ang mga ito laban sa pagpasok ng mga terorista.

“’Pag may nagtanim-bala diyan, I will hold all responsible aviation police. ‘Pag may isa pa d’yan, alis kayong lahat, papalitan ko kayo,” lahad niya sa press conference sa Davao City nitong Biyernes.

“I’ll place you in Zamboanga. There’s so much of entry of terrorists now in the backdoor, dun kayo ma-immigration see to it that they do not enter the Philippines, that is your job,” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Duterte na kapag tumanggi ang mga magkakamaling opisyal ng airport at security sa kanilang bagong tungkulin, ay mas makabubuting mag-resign na lamang ang mga ito.

“If you are afraid to go there, you resign. If you are afraid to die, hang yourself. Magbayad ako sa inyo tapos ganun ang trabaho ninyo, f*cking sh*t,” anang Pangulo.

Layunin ng mga bagong direktiba ng Pangulo ang protektahan ang mga biyahero, lalo na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nabibiktima ng kurapsiyon at iba pang pang-aabuso.

Taong 2016 nang mapaulat ang sunud-sunod na insidente ng tanim-bala sa NAIA, kung saan sinasadya umanong lagyan ng bala ang mga bagahe ng ilang pasahero, na kung mahaharang ay hihingian umano ng pera ng mga tauhan ng airport kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso at pagkakaabala. - Genalyn D. Kabiling