Ni Liezle Basa Iñigo
Napaatras sa kalahating oras na bakbakan sa mga tauhan ng Philippine Army (PA) ang aabot sa 10 miyembro ng New People’s Army (NPA) na nag-o-operate sa Cagayan Valley, nitong Sabado ng umaga.
Dakong 10:30 ng umaga nang maispatan ng Charlie Company, na pinamumunuan nina 1st Lt. Lyndolf Ranola at 2nd Lt. Joseph Escubio, sa ilalim ng 17th Infantry Battalion ng PA, ang nasabing grupo ng rebelde sa Sitio Calanitan, Barangay Masi sa Rizal, Cagayan.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan ng dalawang panig hanggang sa mapaatras na lamang ang mga miyembro ng NPA.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa panig ng pamahalaan.
Hindi pa rin matiyak ng militar ang dami ng mga nasugatan sa panig ng mga rebelde.
Kaugnay nito, inalerto na rin ang pulisya sa lugar para manmanan ang mga rebelde na nais manakot sa nabanggit na lugar.