Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara nito ang Boracay Island sa Aklan kapag nabigo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na masolusyunan ang environmental violations sa pinakapopular na tourist destination sa bansa.

Reaksiyon ito ng Pangulo nang maiulat ng DENR na aabot sa 11 sa 180 business establishment sa isla ang hindi maayos ang sewerage system at dumidiretso sa drainage canal ang waste materials ng mga ito.

Sa isang business meeting sa Davao City, sinabi ng Pangulo na maaaring mabibilang na lamang ang araw ng mga turista sa pagtatampisaw sa white beach sa isla kung wala pa ring magagawang aksiyon ang DENR tungkol sa problema sa kalinisan sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“I will close Boracay. Boracay is a cesspool. Now, during days when I was there, ‘yung basura was just 20 meters away from the beach. So I told [DENR Secretary Roy] Cimatu, ‘I’ll give you six months. Clean the goddamn thing,’” seryosong pahayag ng Pangulo.

Pagdating, aniya, ng araw ay hindi na mae-enjoy ng mga turista ang pagpunta sa Boracay, at hindi na nila dadayuhin ang isla.

“You go into the water, it’s smelly. Smell of what? Sh*t. Kasi lahat doon, ang palabas nila, sa Boracay. It’s destroying the environment, or the Republic of the Philippines, and creating a disaster coming,” sabi pa ni Duterte.

Oktubre 2017 nang iminungkahi ni Cimatu ang pagbuo ng national body upang mangasiwa sa isla, sa halip na ipaubaya ito sa lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Cimatu noong nakaraang linggo na ang Pangulo ay “approved in principle” ang isang Executive Order (EO) na makatutulong upang maresolba ang problema sa Boracay Island sa kanilang Cabinet Meeting.

“Last night, the Secretary of Tourism recommended an executive order to the President for the formation of a task force to [address] the problems of Boracay, especially the environmental compliance of resorts,” pahayag pa ni Cimatu, na ang tinutukoy ay si Tourism Secretary Wanda Teo.

Sa naturang EO, pamumunuan ng kalihim ng DENR ang task force na binubuo naman ng iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Tourism, at Interior and Local Government.