Ni Mario Casayuran, Mary Ann Santiago, at Leonel Abasola

Inutusan kahapon ng Senate Blue Ribbon at health committees ang Department of Health (DoH) na magsagawa ng kaukulang hakbang upang mapigilan ang takot na namumuo sa bansa kaugnay ng kontrobersiya sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia, na naiturok sa mahigit 800,000 estudyante.

Si Sen. Richard Gordon, Blue Ribbon committee chairman, ang nagpatawag sa hearing kahapon hinggil sa P3.5-bilyon biniling Dengvaxia vaccine at sa ginawang pagbabakuna sa mga bata nang hindi lumulusot sa mga requirement ng World Health Organization (WHO).

Dahil ilang estudyante na ang namatay at marami ang dinala sa ospital dahil sa umano’y mga sintomas ng dengue, sinabi ni Gordon na dapat na nangunguna ang DoH sa pagpapakalma sa taumbayan at pagkontrol sa hysteria.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dapat na handa ang DoH sa magiging marahas na reaksiyon ng publiko, ayon kay Gordon.

TAKOT NA SA BAKUNA

Una nang kinumpirma ni DoH Secretary Francisco Duque na nakaapekto ang kontrobersiya sa Dengvaxia sa immunization program ng kagawaran.

Sinabi ni Duque nang tumestigo sa Senado na noong 2017 ay nasa 87 porsiyento ang immunization coverage ng DoH, “now, they say it is 57%, a substantial reduction”, aniya.

Ayon sa kalihim, ipinagbigay-alam sa kanya ng DoH-Davao Region noong nakaraang linggo na dumami rin ang mga magulang na ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak kontra tigdas—at tinatanggihan maging ang tableta para sa deworming.

Umapela naman si Duque sa mga magulang na mahalagang may siyentipikong batayan ang kanilang mga paninindigan, dahil mahalagang may bakuna ang mga bata laban sa iba’t ibang sakit.

SA KORTE LITISIN

Kaugnay nito, nagpahayag ng kahandaan si dating Health Secretary Janette Garin na harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya hinggil sa pagpapatupad niya ng Dengvaxia immunization program noong 2016.

Ito ay makaraang kasuhan siya ng Public Attorney’s Office (PAO) ng P4.2-milyon civil suit sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) nitong Lunes.

Nanindigan si Garin na mas makabubuting sa korte niya harapin ang lahat ng diskusyon sa Dengvaxia issue, upang maialis na ang talakayan sa media at maiwasan na ang pagpa-panic ng publiko.

“I’m ready to face all charges because my conscience is clear. The desire to be with the Department of Health, to be with the medical society in saving lives was our primary consideration because vaccines still saves lives and dengue has no cure,” paliwanag pa ni Garin, sa panayam sa telebisyon.

SINUGOD

Matatandaang pagkatapos ng pagdalo ni Garin sa pagdinig ng Kamara sa usapin nitong Lunes ay sinugod siya ng galit na galit na grupo ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, at hinihiling na mapanagot siya.

Sinabi naman ni Gordon na walang puwang sa Senado ang ginawang pag-atake kay Garin sa Kamara, at inatasan na niya ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) na tiyaking ligtas ang sinumang resource person ng Senado.