Ni Mike U. Crismundo

PROSPERIDAD, Agusan del Sur – Hustisya ang hiling kahapon ng isang limang-buwang buntis na ginang para sa brutal na pagkamatay ng kanyang mister sa kamay ng umano’y New People’s Army (NPA) sa Sitio Hagimitan, Barangay Bolhoon sa San Miguel, Surigao del Sur.

Umapela rin si Roselyn Q. Bocales, 30, kay Pangulong Duterte, sa Armed Forces of the Philippines (AFP), at sa Philippine National Police (PNP) na pagtuunan ng pansin ang pag-aresto sa pumatay sa asawa niyang si Mar Acevedo Bocales, miyembro ng tribung Manobo na nasa Citizen Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary (CAA), at nakatalaga sa CAA-Army Los Arcos Detachment ng Bgy. Los Arcos sa Prosperidad.

Enero 27 nang iniulat ang pagkawala ni CAA Bocales habang naghahanap ngg paru-paro na maibebenta para makatutulong sa gastusin sa pagpapagamot ng kanyang anak.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Subalit wala nang buhay nang matagpuan ang biktima, isang araw matapos maiulat ang kanyang pagkawala.

Sinabi ni Captain Francisco P. Garello, Jr., Civil Military Operation (CMO) officer ng 36th Infantry (Valor) Battalion, na pinahirapan at pinugutan ang biktima ng mga hinihinalang rebelde.

Inilarawan ang asawa na simple at pangarap na mapagtapos ang kanilang mga anak, nangangamba ngayon ang ginang kung paano niya bubuhayin ang tatlong anak.

Tiniyak naman ni Lt. Col. Xerxes A. Trinidad, commander ng 36th IB, kay Roselyn na naayos na ng unit sa 9th SFC ang mga kaukulang dokumento para sa agarang tulong sa pamilya Bocales.

Sinabi ni Capt. Garello na si Bocales ay dating miyembro at liaison man ng Milisya ng Bayan sa Section Command 21 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, at sumuko sa militar noong Disyembre 11, 2016, bitbit ang kanyang M14 rifle.