NI ANNIE ABAD

BAGO CITY -- Dinomina ng Bago City Negros Occidental ang unang sigwa ng aksiyon matapos na magwagi sa tatlo sa sampung labanan ang kanilang mga pambato sa ginaganap na PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup sa Manuel Y. Torres Memorial Gymnasium dito.

Unang nagpakitang gilas para sa Boys Jr. Pinweight division si Kim Catedrilla ng Sampit Boxing Club (SBC) ng Bago City matapos na pataobin si Rey Penafiel ng Sipalay kung saan unang dalawang round pa lamang ng labanan ay inihinto na ng referee ang labanan.

Kasunod sa nasabi ring kategorya binigo ni Rodel Gamo si Alex Andrhei Bonita ng Omega, Bacolod sa unanimous decision, habang sa Boys Jr. Flyweight naman ay wagi din sa unanimous decision si Joshua Belicena kontra kay Julius Salbibia ng Murcia, Bacolod.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa iba pang resulta, nagwagi sa Jr. Boys Pinweight si Kane Paul Redondo ng Negros Occidental via unanimous decision kontra kay Simon Kaye Canon ng Maasin, Cebu, gayundin si Angelo Bulasa Jr. ng Cebu City sa kaparehong katergorya na nagpataob naman kay Jovelen Abrenica ng Cebu City Sports Institute.

Ganito rin ang naging kapalaran ni Cresebte Caballero Victoria, Bacolod sa kaparehong kategorya nang manalo kay Kent Perocho habang sa lightflyweight naman ay kumamada si Perlito Exclamada Jr. ng San Carlos City Negros Occidental, nang biguin si Joenel Francisco ng Murcia sa Negros Occidental pa rin.

Kapuwa naman nagwagi sa split decision ang mga pambato ng Sipalay na sina Nixon Anito at Jay Torela Jr. nang magwagi ang una kay Cres John Demafiles sa Boys flyweight at ang huli kontra kay Rojean Sabordo sa Bor Light bantamweight.

Ang torneo ay bahagi ng programa sa grassroots sports ng Philippine Sports Commission sa pakikipagtulungan ng Office of Senator Manny Pacquiao.