Ni Charina Clarisse L. Echaluce

Isang opisyal ng Department of Health (DoH) ang nagpahayag ng pangamba sa epekto ng kontrobersiya sa Dengvaxia sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, at sinabi na maraming magulang ang hindi na nakikinig sa nais isagawa ng ahensiya dahil sa takot sa mga bakuna.

Ibinunyag ni Health Undersecretary Enrique Domingo na napakababa ng vaccination rates ngayon, dahil maraming magulang ang ayaw nang sumailalim sa immunization programs sa pangambang baka manganib ang buhay ng kanilang mga anak. Ang iba pang public health programs ay iniiwasan na rin.

“Our problem right now is that our health programs are suffering. Our local offices are calling us…. Even vaccination rates are suffering,” sabi ni Domingo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Binanggit ng opisyal ang biannual deworming program ng DoH tuwing Enero at Hulyo. Iniulat niya na napakababa ng bilang ng mga sumailalim sa unang deworming ngayong buwan.

Ganito rin ang nangyayari sa vaccination programs para makaiwas sa mga karamdamang tulad ng polio, measles, tetanus at diphteria.

“We recently had a measles outbreak in Davao. We’re trying to make up for it but the vaccination rate is very low,” pagbunuyag ni Domingo.

Mula sa ideyal na 85 porsiyento hanggang 90 porsiyento ng immunization coverage sa mga batang Pilipino, ang coverage ay bumagsak sa 60%.

Ayon kay Domingo, matutunton ang dahilan ng nangyayari sa panic na idinulot ng Dengvaxia controversy, lalo na nang lumabas ang mga balita tungkol sa pagkamatay ng ilang bata na tumanggap ng bakuna. Habang isinusulat ang balitang ito, ang DoH ay nakapagtala na ng 26 na batang namatay matapos tumanggap ng bakuna.

Inamin ng undersecretary na tinatanong ng mga magulang ang health workers sa ilang komunidad kung mamamatay din ang mga anak nila na tumanggap ng naturang bakuna.