Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Magbibigay ng ayudang aabot sa P100 milyon si Pangulong Rodrigo Duterte para sa livelihood programs at agricultural development sa komunidad ng mga katutubo sa Mindanao.
Layunin nito na makontra ang impluwensiya sa kanila ng mga rebelde sa lugar.
Inihayag ng Pangulo ang kanyang hakbang matapos siyang magsalita sa harap ng mga lider ng katutubo sa idinaos na Indigenous Peoples’ Leaders Summit sa Davao City.
Nangako rin si Duterte na aapurahin ang pagpasok ng mga investor at tulong ng pamahalaan sa mga tribal area, upang mabigyan sila ng mga programang pangkabuhayan.
“Mag-release ako ng P100 million, temporary, pangtawid ninyo sa normalcy. ‘Yun ang gamitin ninyo. You have to learn something, a skill to help your family,” sabi ng Pangulo.
Tinalakay din ng pangulo ang kahalagahan ng edukasyon upang maiangat sa kahirapan ang mga Lumad community.