Paul Desiderio (photo by Peter Baltazar)
Paul Desiderio (photo by Peter Baltazar)

Ni ERNEST HERNANDEZ

INAMIN ni University of the Philippines Fighting Maroons scoring machine Paul Desiderio na maging siya ay nabigla nang malamang kabilang sa Gilas #23for23.

“Hindi ko ine-expect yun. Kasi pangarap ko ma-Gilas line up pero sa tingin ko hindi pa ano yung game ko. Pero may opportunity na dumating kaya pagbutihan ko na lang talaga,” pahayag ni Desiderio.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bukod sa pangarap na mapabilang sa 2023 World Cup lineup ng National Team, sinabi ni Desiderio na gagamitin niya ang lahat nang matututunan sa Gilas program para maiangat ang sarili at ang antas ng kanyang skills sa basketball. Huling taon na niya sa UAAP ngayong season.

“Sobrang Masaya ako kasi yun nga, malaking tulong din sa career ito dahil last year ko nasa UP at kailangan pagbutihan na,” aniya.

Sa kasalukuyan, nararamdaman na niya ang pagusbong ng pagnanais na makasabay sa mga beteranong players na kasama niya sa ensayo ng Gilas.

“Iba, youth basketball ‘yun eh,” pahayag ni Desiderio, pagkukumpara sa takbo ng Gilas practices sa college game.

“Ito seniors na talaga. Yung level competition iba na talaga kasi pro na yung mga kalaban mo doon.”

Mas nagkaroon pa ng kumpiyansa si Desiderio dahil nakakasama niya ang mga kasabayan sa team.

“Malaking tulong kasi yun mga pro, UAAP at NCAA stars andito. Malaking tulong talaga. Superstar ng ibang team andito na. Marami kang matututunan sa kanila,” aniya.

“JJ Alejandro, star ng NU yan. Nanginig nga ako noong nakita ko siya,” pabirong pahayag ni Desiderio.

Sakaling hindi mapili, iginiit ni Desiderio na sapat na ang nilagi niya sa Gilas para maitaas ang level ng laro.

“Hard work lang. Kung ano maitutulong ko sa team, yun ang gagawin ko,” aniya.