Ni Ric Valmonte

SA Resolution No. 8 na mabilisang ipinasa ng Mababang Kapalungan sas Kongreso kamakailan, itinatakda nito na ang Kamara at Senado ay magsanib bilang Constituent Assembly (Con-ass) na siyang mag-aamyenda sa Saligang Batas. Dahil hindi isinasaad ng Saligang Batas kung magkasama o magkahiwalay na boboto ang mga Senador at Kongresista, ayon kay Speaker Panteleon Alvarez, magkasamang boboto ang mga ito sa pagkwenta ng 3/4 votes ng lahat ng miyembro ng Kongreso para makapag-amyenda ng Konstitusyon ang Con-ass. Dahil sa dami ng mga Kongresista, kapag ito ang nangyari, kahit bumoto ang lahat ng mga Senador laban sa pagbabago ng Saligang Batas sa paraan ng Con-ass, wala itong epekto. Ang kasapian kasi ng Kamara ay 292, samantalang ang Senado, 22 lang sa kasalukuyan.

Kaya, ang ginawa naman ni Sen. Ping Lacson ay naghain ng Resolusyon sa Senado na ang buod ay tulad ng Resolution No. 8 ng Kamara. Nakasaad dito na dapat magsanib ng Kamara at Senado ay bilang Con-ass na siyang magbabago sa Saligang Batas. Ang pagkakaiba ng Kamara at Senado, masusi nilang pinag-aaralan ang isyung ito. Nagsagawa ito ng pagdinig nito lang nakaraang Miyerkules kung saan ang panel of resource persons ay binubuo ng mga legal luminaries.

Biniyak nila ang isyu sa mga paksang: 1) Dapat bang amyendahan ang Saligang Batas? 2) Dapat bang gawing pederalismo ang porma ng gobyerno? 3) Sa paanong paraan dapat baguhin ang Saligang Batas? at 4) Kung Con-ass, dapat bang bumoto na magkasama o magkahiwalay ang Kamara at Senado? Sina Ex-Chief Justices Hilario Davide, Jr. at Renato Puno at dating Sen. Nene Pimentel ay iisa sa kanilang paninindigan na ang pinakamagandang paraan ng pagbago ng Saligang Batas ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-con).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mga delegado dito ay inahalal ng taumbayan, ayon kay Davide at Pimentel. Samantalang si Puno, bagamat para sa Concon, sa panukala niya ay “hybrid” ang bubuo nito, na mga hinalal at hinirang. Pero, si Davide ay tutol sa pagbabago. Nagkakaisa naman sina Davide at Puno na kung ang Con-ass ang mag-aamyenda, magkahiwalay na boboto ang mga Senador at Kongresista, bagamat si Davide ay laban sa pagbabago. Payo ni dating Sen. Pimental, hindi dapat minamadali ang gagawing pagbabago, samantalang nagpanukala naman si Puno na hindi dapat ang mga miyembro ng Kongreso ang magsagawa nito. Bukod sa ang trabaho nila, aniya, ay gumawa ng batas, maliwanag na malalagay sila sa katayuan na ang pagbabago ay laban sa kanilang pansariling interes.

Paano ngayon kung sa kabila ng mga matatalas na argumento ng kanilang mga resource persons laban sa Con-ass ay ipasa ng mga Senador ang Resolusyon ni Sen. Lacson? At sa bicameral conference, ay pagtugmain ang mga magkakakontrang probisyon ng Resolusyon No. 8 at ng Resolusyon ni Sen. Lacson? At mapagkaisahan ng mga mambabatas na magkahiwalay na boboto ang Senado at Kamara sa pag-aamyenda ng Saligang Batas, eh natali na ang mga Senador sa Con-ass. Papayag na ba sila dito? Ang term extension na hindi raw maiiwasan kapag binago ang Saligang Batas ay tuksong napakahirap labanan.