NI ERNEST HERNANDEZ

Eric Camson (PBA Images)
Eric Camson (PBA Images)
NASUNGKIT ng KIA Picanto ang unang panalo para sa PBA Philippine Cup, ngunit literal na nagbanat ng buto si Eric Camson nang makipagpalitan ng bigwas kay Raymond Almazan ng Rain or Shine Elasto Painters.

Naganap ang gusot nang magtulakan para sa rebound sina Camson at Almazan na umabot sa pagkakasiko sa mukha ng Painters forward.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Hindi ko rin naman gusto yung nangyari na ‘yon,” sambit ni Camson. “Sobrang eager na siguro ako —tagal na kaming natatalo, eh. Ayaw naming na pumasok yung rally nila na. Kasi aminado kami na once na mag-rally sila. Malalayuan kami, talagang morale naming bababa.”

Sa replay, tila sinadya ni Camson na masaktan si Almazan, na kaagad namang gumanti nang suntok na siyang naging mitsa nang kanilang rambulan. Kapwa napatalsik sa laro ang dalawa.

“So, para sa akin naman, hindi ko naman intention. Kahit siguro sa replay, makikita na parang intention ko, hindi naman talaga hinahabol yung mukha, for box out lang ako,” pahayag ni Camson. “So, tinamaan ko, hindi ko maiwasan, tapos ginantihan ako. Sa akin, pride ko na rin, kaya umabot sa ganoon.”

Ngunit, tulad ng isang tunay na maginoo, inamin ni Camson ang kamalian at sinabing handa siyang humingi ng paumanhin kay Almazan.

“Bilang mas-bata sa kanya, ako na mag-bo-bow sa kanya na—wala naman problema, hindi naman gaano. Pare-parehas lang na sa isang liga, pare-parehas nagtrabaho – hindi ko rin naman ginusto rin ang nangyari.”

“Hindi naman makakabawas sa pagkalalake iyon - basketbol ‘yan, eh,” sambit ni Camson.

Batay sa regulasyon ng PBA awtomatikong multa na P20,000 ang haharapin ng dalawa na napatawan ng flagrant 2 foul.

“Ok naman sa akin. Respect ko yung desisyon niya at hihingi ako ng dispensa,” pahayag ni Camson.

“Willing naman ako humingi ng pasensya or sorry kay Raymond or kay Sir Willie,” aniya.