Nina NIÑO N. LUCES at ROMMEL P. TABBAD

LEGAZPI CITY, Albay – Umabot na sa 457 bakwit sa iba’t ibang evacuation center sa Albay ang nagkasakit sa nakalipas na mga araw, ayon sa provincial health office.

Ito ay kasabay ng pag-uuwian na ng karamihan sa mga tumuloy sa evacuation center dahil sa malaking nabawas sa naitatalang aktibidad ng Bulkang Mayon, at dahil hindi na umano mapanganib sa labas ng seven-kilometer extension ng permanent danger zone.

Ayon sa Dr. Antonio Loduvice, acting provincial health officer ng Albay Provincial Health Office, batay sa datos nila nitong Huwebes ay nasa 457 na ang nagkasakit sa mga evacuation center.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang ilan, ayon kay Loduvice, ay ginamot lang sa mismong evacuation center habang ang ilan ay dinala sa Josefina Belmonte Duran District Memorial Hospital (JBDMH) sa Ligao City, sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City, at sa Ziga Memorial Hospital sa Tabaco City.

“Ang top cases remain acute respiratory infection. Cough and colds 238 cases, headache and fever 34 cases, dizziness 25 cases, hypertension 24 cases at may mga sugat, 17 cases. ‘Yung chicken fox, from Bariw evacuation camp in Camalig, was identified and transported to JBDMH. The family decided to house the child in the grandparent’s house outside the evacuation camp. We have 1 case in Lacag evacuation camp in Daraga, Albay, bed ridden na ‘yun, he was transported to JBDMH,” sabi ni Loduvice.

Sa kalagitaan naman ng pag-uuwian ng evacuees, itutuloy pa rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamimigay ng relief goods at iba pang pangangailangan ng evacuees.

“The evacuees, who numbered to 2,909 families or 12,044 individuals, were allowed to return home as of 3:00 pm yesterday,” ayon sa DSWD.

Kinumpirma rin ng DSWD na sarado na ang limang evacuation center sa Barangays Mabinit, Matanag, Buyuan, Padang, at Bonga sa Legazpi City—na pawang nasa 8-9-kilometer zone mula sa bulkan.

Kahapon, aabot sa 24 rockfall events at volcanic earthquake ang naitala ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa paligid ng bulkan.

Bukod dito, nagpakawala rin ng lava ang bulkan na rumagasa sa mga lugar sa palibot nito, at napansin din ng mga tauhan ng Quick Reaction Team (QRT) ang ground deformations at ang patuloy na pagbuga ng usok sa mga bitak na bahagi ng bulkan.

Una nang nilinaw ng Phivolcs na hindi aabot sa explosive eruption ang patuloy na pag-aalburoto ng Mayon, dahil walang nakikita ang ahensiya na “explosive deposits”, gaya ng pyroclastic flows, sa mga bahagi ng bulkan nang magsagawa sila ng aerial inspection.