Ni Bert de Guzman

MEDYO napaigtad ako nang marinig ko sa isang opisyal ng DepEd (Dept. of Education) habang tinatanong tungkol sa isyu ng pagtataas o pagdodoble sa sahod ng mga guro, ang salitang “Kaguruan”. Biglang sumalimbay sa aking isip ang inuusong mga salita ngayon (broadcast media) na “Kapulisan” (police); “kasundaluhan” (military)”; “kaparian” ( priests).

Ang mga guro (teachers) raw tulad ng mga pulis at sundalo ay maituturing sa hanay ng “Mga bayani” ng Pilipinas sapagkat sila ang nagsisilbing pangalawang magulang ng mga kabataan kapag nasa paaralan. Ang mga pari naman ay siyempre pang mga “pastol” at gabay ng mga mamamayan, kabilang ang tinaguriang “Pag-asa ng Bayan.”

Para kay Budget Sec. Benjamin Diokno, hindi prayoridad ng Duterte administration ang pagkakaloob ng salary increase o pagdoble sa sahod ng mga kaguruan. Hindi raw kasama sa P3.767 trilyong national budget ang sahod ng mga titser, hindi tulad ng mga kawal at pulis na kasama sa pambansang budget.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nadismaya sa pahayag ni Diokno ang mga samahan ng mga guro, inakusahan siyang pusong-bato at tinawag na “JokeNo” mula sa apelyidong Diokno. Tinatanong ako ng mga kaibigan kung ano kaya ang susunod na mga salitang may unlapi o prefix na “KA-”.

Bulalas ng mga guro: “O, JokeNo, huwag mo namang gawing biro ang aming sitwasyon. Kulang na kulang ang suweldo namin.

Ayaw na naming magbenta ng langgonisa, panty, bra at iba pa sa paaralan.” Sinabi kasi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na humanap ng mga paraan ang DBM upang taasan ang suweldo ng mga guro. Nais ni PRRD na isunod ang mga guro sa pagdoble sa sahod tulad ng mga pulis at kawal. Tandaan na ang ina ni Mano Digong ay isang guro. Pero, wala raw budget para rito, sabi ni JokeNo, este Diokno.

Muling ilulunsad ng PNP ang Oplan Tokhang na ang ibig sabihin ay “kumatok at makiusap” sa drug pushers at users na iwanan na ang illegal drugs. Nangako si Gen. Bato na tatalima ang pulisya sa tunay na espiritu at diwa ng Oplan Tokhang: Katukin at Pakiusapan ang tulak at adik na magbago na.

Para kay PDEA chief Gen. Aaron Aquino, dapat nang tanggalin ng PNP ang Tokhang slogan sapagkat ang impresyon dito ng taumbayan ngayon ay “Kumatok at saka barilin.” Sapul nang ilunsad ang Tokhang, libu-libong tulak at adik ang napatay dahil NANLABAN daw at may 1.3 milyon ang sumuko. Nang hawakan at pangunahan ng PDEA ang operasyon laban sa illegal drugs, kakaunti lang ang napatay, pero mas marami ang kanilang nadakip.

Nagtamo ng gradong “excellent” si PRRD batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations. May 83% ng adult Filipinos ang nagpahayag ng labis na pagtitiwala sa pangulo samantalang 7% lang ang may konting tiwala sa kanya.

Dahil dito, nagtamo siya ng +73% na para sa SWS ay “excellent.” Inuulit natin, suportado ng mga Pinoy ang giyera sa ilegal na droga ni Pres. Rody. Ang kinokontra lang nila ay ang walang habas na pagbaril at pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users dahil NANLABAN daw.

Ang ikinadidismaya ng taumbayan ay kung bakit mga ordinaryo at mahihirap na pushers at users lang ang pinapatay subalit ang mga drug smuggler, drug lord, drug supplier ay hindi binabaril at pinapatay ng mga pulis ni Gen. Bato.

Pinabubulaanan ito ng PNP at mismo ni Gen. Bato.