Ni Aaron Recuenco at Fer Taboy

Nasawi ang isang 60-anyos na babae habang tatlong iba pa ang iniulat na nawawala makaraang gumuho ang lupa sa isang residential area sa Tacloban City, Leyte nitong Sabado ng gabi.

Ayon kay Chief Insp. Maria Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-8, bandang 2:30 ng umaga kahapon nang marekober sa search and rescue operation ang bangkay ni Delia Carson, 60, ilang oras makaraang simulan ang operasyon dakong 8:30 ng gabi nitong Sabado.

“Her cadaver was discovered under their collapsed house,” sabi ni Rentuaya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kabilang ang tirahan ni Carson sa walong bahay na natabunan ng landslide sa Barangay 43-B, Congressman Artemio Mate Avenue-Rizal Extension sa Tacloban City.

Siyam na pamilya ang apektado ng pagguho ng lupa.

Ayon kay Rentuaya, hinahanap pa ng mga lokal na awtoridad ang tatlong biktima na si Zerjean Amancio Hernandez, ang anak nitong babae, at isang Alex.

Sinabi ni Rentuaya na pitong pamilya, na binubuo ng 22 katao, ang inilikas dahil sa landslide.

Kabilang ang Tacloban City sa mga sinalanta ng bagyong ‘Urduja’ noong nakaraang buwan. Mahigit 40 katao ang nasawi sa Urduja dahil sa baha at landslide sa silangang Visayas.