Ni Mary Ann Santiago at Bella Gamotea
Umabot sa 75 truck ng basura ang nahakot ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod ng Maynila mula sa Quirino Grandstand, sa Plaza Miranda, sa paligid ng Quiapo Church, at sa mga rutang dinaanan ng Traslacion ng Poong Nazareno nitong Martes.

Ayon kay Rafael “Che” Borromeo, hepe ng Manila City Hall-Department of Public Services, sa kabuuan ay aabot sa 1,350 cubic meters o 385 tonelada ng basura ang nahakot sa mga lugar na pinagdausan ng Pahalik at Traslacion.
Mas marami, aniya, ang mga basurang nahakot ngayong taon kung ikukumpara sa Pahalik at Traslacion noong 2017, na umabot lang sa 65 truck ang basura, o 341 tonelada lamang.
Sa panig ng Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA), sinabi ng tagapagsalita nitong si Celine Pialago na 15 truck ng basura ang nahakot ng ahensiya sa Quirino Grandstand.
Sinabi ni Pialago na nasa 100 street sweeper ang ipinakalat ng ahensiya sa Quirino Grandstand at sa mga dinaanan ng Traslacion.