Hindi na rin pinalalampas ng mga kawatan ang mga pulis matapos mabiktima ang isang bagitong parak na tinangayan ng P4,500 cash at mahahalagang gamit sa inuupahan nitong kuwarto sa Taguig City, nitong Lunes ng gabi.

Nanlulumong nagtungo sa tanggapan ng Taguig City Police ang biktimang si PO1 Jessa Macwes y Juaton, 30, aktibong miyembro ng Philippine National Police at nakatalaga sa Makati City Police Station.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang panloloob sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay ng biktima sa Balagtas Street, Barangay Lower Bicutan, Taguig City, dakong 7:12 ng gabi.

Naka-duty si PO1 Macwes nang pasukin ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang nirerentahang silid sa lugar.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nalaman lang ni PO1 Macwes ang insidente nang ipabatid sa kanya ng kabarong si PO1 Congson, kaya agad siyang umuwi at nadatnang sira ang kandado ng kanyang kuwarto at nawawala ang kanyang ASUS laptop, P4,500 cash, isang Nike shoes, G-shock watch at isang Nokia cell phone.

Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation sa insidente. - Bella Gamotea