SA kabila ng ‘tila taengang-kawali ng pamunuan ng University of Santo Tomas, sinabi ng dating PBA star na si Pido Jarencio na hindi pa rin siya sumusuko para makumbinsi ang UST Board na makabalik siya bilang coach ng Tigers sa UAAP men’s basketball.
Mahigit isang buwan na mula nang tanggapin ng pamunuan ng unibersidad ang pagbibitiw ni Tigers Coach Boy Sablan at hanggang sa kasalukuyan ay wala pang linaw at palaisipan pa rin kung sino ang papalit sa nabakanteng posisyon.
Kaugnay nito, isa si Jarencio sa hayagang naglabas ng kanyang intensiyon na muling maging coach ng Tigers.
Katunayan, nito lamang Pasko, ilang oras bago sumabak ang kanyang koponang Globalport sa PBA Philippine Cup na Philippine Arena sa Bulacan, muling nagpahiwatig sa kanyang social media account ang Batang Pier coach ng kanyang kagustuhan na makabalik sa UST.
“Pano ba manligaw? Ang tagal ko na nanliligaw ayaw pa rin ako sagutin,” pasaring ni Jarencio.
Ayon kay Jarencio, nalulungkot siya sa ginagawang pagbabalewala ng UST sa kanya.
“Ang tagal sumagot, eh. Pero okay lang, manliligaw pa rin ako,” anang 53-anyos na UST legend.
“Nagpapaturo nga ako kung sino marunong manligaw eh, para mapasagot ko.”
Minsan nang naging coach ng Tigers si Jarencio mula noong 2006 hanggang 2013, at nakapagbigay ng isang titulo at dalawang runner-up finishes para sa koponan. - Marivic Awitan