Pinuri ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Wilma T. Eisma ang mga pulis na nakakumpiska sa P40-milyon halaga ng mga puslit na alak noong Bisperas ng Pasko.
Nasamsam ng police operatives ng SBMA Law Enforcement Department ang kabuuang 1,321 kahon ng mamamahaling alak mula sa isang closed van na paalis sa Freeport sa Disyembre 24, at sa isang 40-footer container van na nakaparada sa Subic Seaport Terminal, ayon kay Eisma.
Pinuri ni Eisma ang pagiging listo at episyente ng SBMA law enforcers para masawata ang tangkang pagpupuslit.
“Some unscrupulous parties would really take advantage of the Christmas season to try to pull away illegal activities in the Freeport, but this only proves that the SBMA Law Enforcement Department is ready at all times to do their duty,” sabi ng SBMA chairwoman.
“This is a job well done for the SBMA and another huge failure for those who try to use Subic for their smuggling operation,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ni Maj. Vicente Tolentino, pinuno ng SBMA Law Enforcement Department, kabilang sa nasamsam na kontrabando ang 54 na bote ng Remy Martin Louis XIII, na nagkakahalaga ng P170,000 bawat bote, at walong kahon ng Remy Martin Centaure De Diamant, na umaabot sa P60,000 bawat bote.
Sinabi ni Tolentino na sinimulan ng SBMA police ang operasyon sa Bisperas ng Pasko matapos silang sabihan ng impormante isang closed van at isang Nissan Patrol SUV ang magtatangkang magpupuslit ng kontrabando mula sa Freeport.
Pumosisyon ang mga operatiba sa Argonaut Highway para abangan at sinundan ang mga sasakyan hanggang sa 14th Street Gate kung saan pinigil nila ang mga ito.
Laman ng van ang 275 kahon ng Remy Martin Cognac Champagne, 448 kahon ng Martini, 66 kahon ng Remy Martin XO, 17 kahon ng Remy Martin Champagne, 8 kahon ng Remy Martin Louis XIII, 8 kahon ng Remy Martin Centaure De Diamant, 7 kahon ng Remy Martin Club, at 7 kahon ng Remy Martin. - Franco G. Regala