Ni AARON B. RECUENCO, at ulat nina Chito Chavez at Leonel Abasola

Nangako kahapon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na walang palulusutin na sinumang pulis na maaaktuhan o mapatutunayang nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Linggo.

Paliwanag ni Albayalde, isa sa mga pangunahing dahilan ng hindi na paglalagay ng tape sa mga dulo ng baril ng mga pulis ay ang pagpapakita sa publiko kung gaano kadisiplinado ang mga pulis.

“There is no reason for you to fire your guns indiscriminately. There will be no mercy for those policemen who would be caught firing their guns indiscriminately,” sabi ni Albayalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

SISIBAKIN

Sa ngayon, dalawang pulis—na kapwa bagito—na ang naaresto sa pagpapaputok ng baril habang kapwa lasing, ang isa ay nakatalaga sa Montalban Police habang ang isa ay operatiba ng Manila Police District (MPD).

Ayon kay Albayalde, nasibak na sa puwesto ang dalawang pulis, na nakasuhan na rin at sinimulan nang imbestigahan.

“The directive of the Chief PNP (Director General Ronald dela Rosa) is to dismiss them from the service,” ani Albayalde.

Kaugnay nito, nagpakalat na rin ang NCRPO ng mahigit 9,000 pulis sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Albayalde, kabilang sa titiyakin ang seguridad sa mga Simbahan at sa mga itinalagang firecracker at fireworks display zones.

ILEGAL NA PAPUTOK

Dagdag pa ng NCRPO chief, inatasan din ang nasabing mga pulis na tutukan ang mga nagbebenta at gumagamit ng mga ilegal na paputok.

Una nang tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang sinumang mahuhuli o mapatutunayang lumikha, nagbenta, at gumamit ng mga ilegal na paputok at pyrotechnic at pagmumultahin, ikukulong, o papatawan ng parehong parusa.

“Taon-taon ay nag-aabiso tayo sa publiko tungkol sa pagbebenta at paggamit ng paputok. Kaya pasensyahan po tayo kung kayo ay mahuhuli at mapapatawan ng kaukulang parusa o makakalaboso,” ani DILG Officer-in-Charge Catalino Cuy.

Batay sa RA 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices), mahigpit na ipinagbabawal ang Piccolo, Pop Pop, Goodbye Philippines o Crying Bading, Yolanda o Goodbye Napoles, watusi, pla-pla, Giant Kuwitis, Super Lolo, Atomic Big Trianggulo, Mother Rockets, Lolo Thunder, Pillbox, Boga, Big Judah’s Belt, Big Bawang, Kwiton, Bin Laden, Kabasi, Atomic Bomb, Five Star, Og, at Giant Whistle Bombs.

ANU-ANO ANG PUWEDE?

Pinahihintulutan naman ang paggamit ng baby rocket, bawang, small triangle, pulling of strings, paper caps, El Diablo, kwitis, sparklers, lusis, fountains, jumbo regular at special, Mabuhay, trompillo, airwolf, whistle device, at butterfly.

Kasabay nito, nanawagan naman si Senador Nancy Binay sa pulisya at mga local government unit (LGU) na tiyaking walang masasawi sa paputok sa pagsalubong sa 2018.

“Nanawagan po ako sa ating Philippine National Police (PNP) at mga local government units (LGUs) na gawing realidad ang ‘zero casualties at injuries’ sa pagsalubong ng Bagong Taon at dapat na ipatupad ang Executive Order (EO) 28 na nagbabawal sa mga private citizens na gumamit ng mga paputok,” ani Binay.