Ng AGENCE FRANCE PRESSE at ni ROMMEL P. TABBAD, at ulat ni Aaron Recuenco
Umabot na sa 133 ang napaulat na nasawi at libu-libong pamilya ang inilikas sa mga baha at pagguho ng lupa na idinulot ng pananalasa ng bagyong ‘Vinta’ sa Mindanao, iniulat kahapon ng mga awtoridad.
Pinakamaraming nasawi sa Lanao del Norte, kung saan sa paunang tala ay 19 na katao ang namatay dahil sa landslide, bagamat hinihintay pa ng pulisya ang opisyal na ulat mula sa mga lokal na awtoridad.
Sa Bukidnon, napaulat na namatay ang 40-anyos na si Lother Coquilla, habang kumpirmado rin ang pagkasawi ng 65-anyos na si Epifania Mirabueno sa Valencia City, ayon kay Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10.
Dalawa pa sa mga nasawi ang kinilalang sina Irene Mirabueno at Nick Goc-ong, kapwa taga-Iligan City.
Sa Lanao del Sur, walong katao ang iniulat na namatay subalit dalawa lamang sa kanila ang opisyal na kinumpirma ng mga lokal na awtoridad—ang dalawang nalunod sa bayan ng Tugaya.
Ayon kay Myrna Jo Henry, information officer ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)-Humanitarian Emergency Action and Response Team, apat na katao pa ang napaulat na nasawi sa bayan ng Madalum, at dalawa pa sa Balindong.
MARAMI ANG NAWAWALA
Kinumpirma rin ni Henry na napakarami pa ng mga nawawala dahil sa biglang pagragasa ng baha, bagamat hinihintay pa ng kanyang tanggapan ang opisyal na ulat mula sa mga lokal na awtoridad.
Sa ulat ng mga international news agency kagabi ay umabot na sa 133 ang nasawi sa pananalasa ng Vinta sa Mindanao, batay sa mga ulat ng pulisya at disaster officials.
Kinukumpirma rin ang ulat na isang bulubunduking barangay sa bayan ng Tubod sa Lanao del Norte ang nalubog sa mudslide makaraang umapaw ang ilog sa lugar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, ayon sa ulat ng Reuters at Agencé France Presse.
Samantala, iniulat ni Supt. Gonda na mayroong 4,431 pamilya, o 12,265 katao ang tumutuloy ngayon sa 350 evacuation center sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Kinumpirma rin ng opisyal na ilang kalsada at tulay sa Bukidnon ang hindi madaanan makaraang mapinsala ng kalamidad.
NEXT STOP: PALAWAN
Kaugnay nito, binalaan kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga taga-Palawan dahil puntirya ito ngayon ng Vinta.
Sa weather bulletin ng PAGASA bago magtanghali kahapon, kung hindi magbabago ang tinatahak na direksiyon ay hahagupitin ng bagyo ang katimugang Palawan sa loob ng 24 oras.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang Vinta sa 270 kilometro sa timog-timog-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hanging 80 kilometers per hour (kph) at may bugsong 95 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.
Itinaas ang Signal No. 2 sa Southern Palawan, habang nasa Signal No. 1 naman ang iba pang bahagi ng lalawigan.
Sinabi pa ng PAGASA na inaasahang nasa labas na ng bansa ang bagyo bukas, Pasko, o sa layong 515 kilometro sa kanluran-timog-kanluran ng Pagasa Islands sa Palawan.