GENERAL SANTOS CITY – Naitala ni Reymar Brillo ng Sultan Kudarat ang pinakamabilis na panalo nang mapabagsak ang karibal na si Zaldy Ricopuerto ng Malungon, Saranggani may 14 segundo sa kanilang preliminary round ng Philippine Sports Commission-Pacquiao Amateur Boxing Cup kahapon sa Robinsons Place sa General Santos City.

“Sabi ni coach kung makaya mo i-knockout, knockout mo na,” sambit ni Brillo, umusad sa Mindanao quarterfinals kasama ang walong iba pa.

Sa edad na 18-anyos, sinabi ni Brillo na napasabak na siya sa halos 100 laban at handa na umanong umakyat sa pro boxing kung may pagkakataon.

“Pag-iisipan ko po ng husto. Sa ngayon, training po muna,” sambit ni Brillo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kumpiyansa naman ni coach Jimmy Cubay, nagsanay kay Brillo sa nakalipas na dalawang taon, na makakasama sa Philippine Team ang alaga para mabigyan ng karangalan ang pamilya at bayan.

“Pag-isipan po namin itong kay Reymar. Wala akong masasabi sa batang ito. May lakas, tapang at mabait pa,” pahayag ni Cubay, nagsanay din kay Carolyn Calungsod na ngayon ay miyembro ng national women’s squad.

Ang PSC-Pacquiao Cup ay nagkakaisang isinusulong ng pamahalaan bilang bahagi ng grassroots sports program at nni Senator Manny Pacquiao na naglalayong makatuklas nang mga bagong talento sa sports.

Nagwagi rin si James Errol Gahaton (44-46kg youth boys) ng Barangay Labangal, General Santos City, gayundin sina Ben John Rey Yagahon ng Malaybalay City at Jayson Brillo ng Sultan Kudarat sa 48kg division.

Umusad din sa quarterfinals sina Ariel Almamento ng General Santos, Jake Sone Saludar ng Polomolok, South Cotabato sa 46-49kg; Acreboy Baranggan ng Aglayan, General Santos, John Igancius Macas ng Cagayan de Oro at Gen San’s Criz Sander Laurente sa 52kg division.

Ang preliminary rounds para sa national finals ay gaganapin sa April 14-15 sa Mandaluyong City kasunod ang quarterfinals on April 21-22 sa Bohol. Ilalarga ang semifinals sa Tagum City sa Davao del Norte sa April 28 at ang Finals sa General Santos sa May 5.