FAMY, Laguna – Isang pulis na pauwi matapos dumalo sa reunion ang tinambangan at napatay ng riding-in-tandem sa Barangay Balitoc sa Famy, Laguna, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si PO2 Rogelio E. Cuento, 42, may asawa, nakatalaga sa Famy Municipal Police, at residente ng Bgy. Bagong Pook, Sta. Maria, Laguna.

Kaagad na binawian ng buhay ang pulis makaraang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bandang 8:55 ng gabi at pauwi na si Cuento sakay sa kanyang Mitsubishi Montero Sports (RRC-03) galing sa dinaluhang high school reunion.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Pagdating sa Bgy. Balitoc napansin ng pulis ang pagkakaharang ng isang tricycle sa kalsada kaya bumaba ito at sumulpot naman ang isang motorsiklo mula sa kanyang likuran at pinagbabaril siya ng isa sa mga sakay nito.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa Bgy. Bulihan sa Famy.

Inaalam na ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. - Danny J. Estacio