Ni Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, digital na ang mundo. Handa na ba tayo?

Binabago ng teknolohiya ang ating mga gawi at nakaugalian. Tingnan mo, Kapanalig, dati-rati ang radyo ay iyong naririnig lang, at hirap ka pang kumuha ng magandang signal. Ang antenna mo ay napakahaba, at delikado pa sa kidlat.

Pero ngayon, hindi mo lang naririnig ang mga radio programs na iyong tinatangkilik. Nakikita mo na rin ang mga kalahok dito.

Interactive na rin ang mga TV shows ngayon. Dati-rati, kailangan pa ng tambyolo upang magkaroon ng partisipasyon ang mga nanood ng TV. Ngayon, isang text, tweet, message lang ay maaari nang mag-flash sa telebisyon hindi lang ang iyong mensahe, kundi pati litrato o video mo. At real-time ito.

Ang mga pagbabago na ito ay hindi nakikita o nararamdam ng mga kababayan nating nasa mga remote areas, lalo na ‘yung mga tinatawag na geographically isolated and depressed areas o GIDA. Malaking isyu rin ito, Kapanalig, dahil knowledge is power. At dahil nasa kabilang ibayo sila ng digital divide, wala silang power o kapangyarihan. Hindi umaabot ang knowledge sa kanila. Salat ang marami sa kanila sa digital literacy.

Noong 2015, inilunsad ng Microsoft Philippines ang “ICT for Shared Prosperity: A Technology Manifesto for the Philippines, 2016 and Beyond.” Tinalakay nito ang mga pangunahing isyu ukol sa teknolohiya sa Pilipinas. Isa sa mga rekomendasyon nito ay ang pagtugon sa digital divide sa bayan at ang pag-u-update ng ating mga obsolete na polisiya ukol sa telokomunikasyon. Malaking gawain ito, lalo pa’t pang-71 pa lamang tayo sa e-Governnment Development Index.

Ngunit ito ay isa na ring simula, dahil kung ikukumpara ang ranking natin noong 2014, pang-95 lang tayo.

Ang teknolohiya ay isang tool upang tayo ay makatalon, hindi lang takbo, tungo sa kaunlaran. Para sa maralita, ito ay isang makapangyarihang instrumento para sa partisipasyon sa lipunan, sa mas mataas na kita, sa mas maayos na edukasyon. Malaki ang potensiyal na benepisyo ng teknolohiya para sa maralita, lalo na sa mga taga-nayon na lagi na lamang “excluded” o hindi kasama sa panlipunang dayalogo o diskusyon.

Ang digital literacy isang hakbang tungo sa kapangyarihan at kaunlaran ng maralitang taga-nayon. Ngunit hindi natin maitataas ito kung ang simpleng batayang serbisyo, gaya ng kuryente, ay hindi natin maibigay sa kanila. Ito sana ang isa sa mga pagbabagong hinihintay: ang pagkakaroon ng mga maralita ng pagkakataon na makasama sa digital revolution.

Maibibigay ba natin ito?

Ayon sa Panlipunang Turo ng Simbahan, ang kabutihan ng balana ay dapat handa tayong ibigay sa tuwina. Ang Deus Caritas Est ay may aral na maaari nating gawing gabay ukol dito: Kailangang suriin ng estado ang kanyang papel at kapangyarihan sa lipunan. Kailangan nitong pagnilayan kung ginagamit ba nito ang kanyang kapangyarihan upang tunay na matugunan ang mga hamon ng makabagong mundo.