Ni Ernest Hernandez
LIMANG taon pa ang ipaghihintay ng sambayanan, ngunit ngayon pa lamang ay hindi na magkandaugaga ang basketball fans sa kani-kanilang pagpili sa komposisyon ng Gilas Pilipinas na ilalaban para sa 2023 FIBA World Cup. At ang lahat ay nakaturo kay Terrence Romeo bilang lider ng koponan.
Maging si GlobalPort Batang Pier Governor Mikee Romero ay kumpiyansa na malaki ang tyansa ni Romeo na mapabilang sa koponan at tanganan ang pagiging lider na babakantehan ni Jayson Castro.
“Very, very possible,” pahayag ni Romero patungkol sa pagkakasama ng sweet-shooting guard sa Gilas 2023 lineup.
“Romeo is only 25. Five years from now he will be 30-31. He might be most senior sa team at that time but the most experienced. Kung kaya niya maging as explosive as now maganda,” sambit ni Romero.
Para kay Romeo, ang mabanggit lamang ang pangalan kasama ni Jayson Castro ay isa nang karangalan. Aniya, idolo niya ang tinaguriang “The Blur” mula pa ng kanyang kapanahunan sa FEU.
“Ang hirap yata palitan ang isang Jayson Castro,” sambit ni Romeo.
“Sobrang hirap yata na mapuntahan yung pinuntahan niya.Siguro, pagbubutihan ko na kahit hindi mapantayan, dumikit ng konti kay kuya Jayson. Pero palitan mo yung Jayson Castro, sobrang hirap. Iba yung “The Blur”, sobrang respect sa kanya.”
Nakatakdang bumaba sa puwesto bilang Chairman ng PBA Board of Governors si Romero. Gayunman, iginiit niyang kailangan ang matibay na ugnayan sa pagitan ng PBA at Philippine team para magtagumpay sa international tournament, higit sa FIBA World Cup sa 2023 na gaganapin sa Pilipinas bilang co-host ng Japan at Indonesia.
“The Philippine team cannot be – it should always be related to the PBA. Hand and glove ‘yan,” sambit ni Romero.
“Lahat naman ng magagaling na player nandito. Wala naman sa amateur. They need each other to be competitive.”