Ni CHITO A. CHAVEZ

Apat pang alkalde sa Southern Luzon ang tinanggalan ng National Police Commission (Napolcom) ng kontrol sa pulisya nito dahil sa pagkakasangkot umano sa kalakalan ng ilegal na droga at iba pang mga paglabag.

Kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kabilang si Lucena City, Quezon Mayor Roderick Alcala sa mga bagong alkalde na tinanggalan ng police powers, sa bisa ng Napolcom Resolution 2017-611.

Nakasasaklaw sa Napolcom, hindi naman idinetalye ng DILG ang mga dahilan sa pagbawi ng komisyon sa apat na alkalde sa kontrol sa pulisya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

May petsang Disyembre 11, nakasaad sa Napolcom Resolution 2017-611 na binawian din ng police powers sina Ibaan, Batangas Mayor Juan Toreja; Bay, Laguna Mayor Bruno Ramos; at Los Baños, Laguna Mayor Ceasar Perez.

Maliban sa mga naiulat sa pahayagan tungkol sa umano’y talamak na ilegal na sugal sa kani-kanilang bayan, hindi kailanman nadawit sa ilegal na droga sina Toreja, Ramos, at Perez.

Nauna rito, binawian na rin ng police powers ang iba pang alkalde sa Southern Luzon, alinsunod sa Napolcom Resolution 2017-570: sina Lemery, Batangas Mayor Eulalio Alilio; Teresa, Rizal Mayor Raul Palino; Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili; Rodriguez, Rizal Mayor Cecilio Hernandez; at San Pablo City, Laguna Mayor Loreto Amante sa mga alegasyon ng pagkakasangkot sa drug trafficking.