Nina ROMMEL P. TABBAD at NIÑO N. LUCES

Ang Bicol at Eastern Visayas Regions ang puntirya ng bagyong ‘Urduja’.

Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa layong 455 kilometro sa silangan ng Surigao del Norte.

Sa taya ni Chris Perez, weather forecaster ng PAGASA, sa Sabado pa tatama ang bagyo sa isa sa dalawang natukoy na rehiyon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometro kada oras at bugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pahilaga-kanluran sa bilis na pitong kilometro bawat oras, at inaasahang lalakas pa habang palapit sa kalupaan.

Apektado ng bagyo ang Bicol Region, Eastern Visayas, Mindanao, Mimaropa at Calabarzon.

Iiral naman ang northeast monsoon o habagat sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, at Central Luzon, Ilocos Region, Luzon, silangan ng Visayas at Mindanao.

Kaugnay nito, sinuspinde ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang klase sa pre-school at elementarya sa mga pampubliko at pribadong paaralan kahapon, Disyembre 13, dahil sa Urduja.

Sa advisory na pirmado ni Albay Gov. Al Francis Bichara, sinabi niyang dahil sa pag-uulan sa lalawigan at sa inaasahang epekto ng bagyo ay minabuti niyang suspendihin na lang ang klase sa mga paaralan.

Sinabi rin ni Dr. Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), na araw-araw na maglalabas ng advisory ang kanyang tanggapan kaugnay ng bagyo.

Nagsuspinde rin kahapon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Camarines Sur si Gov. Migz Villafuerte dahil sa Urduja.

Sinabi naman kahapon ni Sorsogon Gov. Robert Lee Rodrigueza na posibleng magsuspinde ng klase sa buong lalawigan ngayong Huwebes, Disyembre 14.