Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa pakikipagsagupaan sa mga tropa ng pamahalaan sa Sulu nitong Biyernes ng hapon.
Sinabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Sulu, na nangyari ang engkuwentro sa Panamao, Sulu, dakong 2:30 ng hapon.
Nabatid na nagpapatrulya ang mga tropa mula sa JTF Sulu, na binubuo ng Marine Forces, sa Sitio Buling-Buling sa Barangay Suuh, Panamao, nang makaengkuwentro ng mga ito ang nasa 30 armadong Abu Sayyaf.
Tumagal nang 10 minuto ang bakbakan, na ikinasawi ng tatlong bandido.
Ayon kay Sobejana, ang mga nasawi ay mga tauhan ni Radullan Sahiron at nakabase sa Patikul.
Wala namang nasawi sa panig ng gobyerno.
Nakasamsam din ng war materials sa lugar ng bakbakan, kabilang ang isang M16 rifle at isang .45 caliber pistol. - Francis T. Wakefield