Nina CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE at MARY ANN SANTIAGO
Ipinagdiinan ni dating Health Secretary Janette Garin na ang dengue immunization program, kung saan ginamit ang bakunang Dengvaxia, ay hindi niya sariling desisyon; sinabing ang inisyatibo ay inanunsiyo ng kanyang hinalinhang si Enrique Ona sa panunungkulan nito.
Sa isang panayam sa telebisyon (ANC), nilinaw ni Garin na nagsimula ang talakayan sa dengue vaccine noong 2010, noong panahon ni dating-Department of Health (DoH) Secretary Ona.
Kinumpirma niya na ang Dengvaxia ng Sanofi Pasteur ang ikinonsidera noong panahong iyon.
“Hindi po ito decision na ako lang. Hindi po ito sinimulan lang noong pagpasok ko noong 2014. I think June or July, Secretary Ona already announced na magkakaroon ng bakuna ng dengue by 2015, probably middle, and the department is contemplating putting it in their public health program, pero sinabi rin niya na wala pa ‘yung presyo at ‘di pa napag-uusapan,” aniya.
“It started during his time,” dugtong niya.
Nitong Nobyembre 30, ipinahayag ng pharmaceutical company Sanofi Pasteur na, “The analysis confirmed that Dengvaxia provides persistent protective benefit against dengue fever in those who had prior infection.... For those not previously infected by dengue virus, however, the analysis found that in the longer term, more cases of severe disease could occur following vaccination upon a subsequent dengue infection,”
Isang araw matapos ang anunsiyo ng Sanofi, pinatigil ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagbabakuna.
EX-PNOY, GARIN IPINAGTANGGOL NI DUQUE
Ipinagtanggol ni Health Secretary Francisco Duque III sina dating Pangulong Noynoy Aquino at Garin hinggil sa isyu ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Duque, naniniwala siyang hindi dapat sisihin sina Aquino at Garin sa kontrobersiya.
Aniya, base sa feedback at documentary evidence, sinunod nina Aquino at Garin ang tatlong guidelines ng World Health Organization (WHO) sa paggamit ng Dengvaxia.
GAGAWIN SA NATITIRANG DENGVAXIA
Hihintayin muna ng DoH ang report ng WHO bago tuluyang magdesisyon kung ano ang kanilang gagawin sa stock ng Dengvaxia.
Ayon kay Duque, posibleng mailabas ng WHO ang kanilang report hinggil sa Dengvaxia ngayong Lunes o Martes.
“Magandang hintayin muna natin ang report ng WHO na maaaring makatutulong sa ating pagpapasya,” ani Duque.