KABACAN, North Cotabato – Dalawang umano’y miyembro ng isang drug syndicate ang napatay makaraang manlaban at makipagbarilan umano sa mga pulis sa Kabacan, North Cotabato, iniulat ng pulisya kahapon.

Sinabi ni Chief Insp. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, na ipinatutupad ng North Cotabato Police Provincial Office, sa katuwang ang 7th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang mga search warrant laban kina Kobe Abdul Kaludin, Dorex Abdul Kaludin, Boy Talipasan Usman, Randy Abdul Kaludin, at Kamad Mohammad Maambig, pawang taga-Sitio Lote, Barangay Kayaga, Kabacan, nang sumiklab ang engkuwentro.

Ayon kay Gonzales, palapit ang mga awtoridad sa Bgy. Kayaga nitong Huwebes ng madaling araw nang salubungin sila ng mga putok ng baril mula sa hinihinalang mga miyembro ng sindikato ng droga sa lalawigan.

Nasawi sa sagupaan sina Kobe Abdul Kaludin at Dorex Abdul Kaludin, at nakumpiska umano mula sa mga ito ang isang .38 caliber revolver at isang .45 caliber pistol.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa paghahalughog sa bahay ng mga napatay, narekober ng mga pulis ang isang granada, isang bala, at isang motorsiklo na walang lisensiya.

Sinaksihan umano ng mga opisyal ng barangay ang nasabing pagpapatupad ng mga search warrant.

Matatandaang kababalik lang ng pulisya sa kampanya ng gobyerno kontra droga bilang aktibong suporta, gaya ng militar, sa drug war na pangunahing ipinatutupad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Oktubre 10 nang sa pangalawang pagkakataon ay binawi sa pulisya ang pagpapatupad ng drug war kasunod ng serye ng pagpatay ng mga pulis sa mga menor de edad sa mga operasyon nito kontra droga, na karagdagan sa libu-libo nang drug suspects na napaslang sa umano’y panlalaban. - PNA