Ni Bella Gamotea

Ipinagpalibang muli kahapon ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Senador Leila de Lima kaugnay sa kasong illegal drug trading sa New Bilibid Prison (NBP) sa lungsod.

Dumating sa korte si De Lima sakay ng convoy mula sa piitan nito sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, subalit hindi natuloy ang arraignment dahil sa inihaing mosyon ng Department of Justice na nag-aamyenda sa Information hinggil sa kaso.

Nais ng mosyon na rebisahin o repasuhin ang kaso laban kay De Lima at sa co-accused nitong sina dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Bucayu, dating aides na sina Joenel Sanchez at Ronnie Dayan, Wilfredo Elli, high profile inmate Jaybee Sebastian at Jose Adrian Dera, mula sa illegal drug trading at gawin itong conspiracy to commit illegal drug trading.

Tsika at Intriga

Chloe, matapang na niresbakan nagsabing niretoke ilong niya

Hiniling naman ng kampo ni De Lima sa korte na bawiin ang inisyung warrant of arrest laban sa senador.

Dahil dito, binigyan ni Muntinlupa RTC Judge Patria Manalastas-De Leon ng 15-araw ang prosekusyon at ang depensa na magkomento sa kani-kanilang mosyon sa korte.

Hindi naglabas ng bagong petsa ang hukuman para sa susunod na arraignment ni De Lima.

Nahaharap din si De Lima ng kasong may kinalaman sa droga sa Muntinlupa RTC Branches 204 at 205.

Ayon sa abugado ng senador na si Atty. Bonnie Tacardon, ang nais na pagbabago sa Information ng prosekusyon ay nagpapakita lamang na mahina ang kaso laban sa kanyang kliyente.