Ni Celo Lagmay

ANG muling paglilipat sa Philippine National Police (PNP), mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ng pangunguna sa kampanya laban sa illegal drugs ay isang magandang pagkakataon upang burahin ang hindi kanais-nais na impresyon sa mga pulis kaugnay ng sinasabing walang pakundangang pagpaslang sa mga pinaghihinalaang users, pushers at maging ng ilang drug lords. Naniniwala ako na maaaring isa ito sa mga pinagbatayan ni Pangulong Duterte upang ibalik sa PNP ang paglipol sa kasumpa-sumpang problema sa bawal na gamot.

Ang naturang utos ay natitiyak kong hindi pagmaliit sa kakayahan ng PDEA sa pagpuksa ng illegal drugs; manapa, ito ay isang paraan upang lalong paigtingin ang naturang kampanya na talagang dapat pangunahan ng PDEA, tulad ng iniuutos ng batas. Walang alinlangan na nagampanan nito ang naturang makatarungang misyon.

Katunayan, naging makatao ang pagtupad ng PDEA sa pagsugpo ng illegal drugs; walang iniulat na napatay na sugapa sa droga. Sa halip, dinakip ang mga ito at isinailalim sa tinatawag na due process. Mismong mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao ang pumuri sa gayong operasyon ng PDEA; at sila rin ang mahigpit na tumutol at tumututol ngayon sa pagbabalik sa PNP ng illegal drug campaign.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bagamat may mga sapantaha na naging mapagmalabis ang ilang pulis sa kontrobersiyal na implementasyon ng Tokhang, higit na nakararami naman sa ating mga alagad ng batas ang naging makatao sa pagtugis ng mga user, pusher at drug lords.

Taliwas ito sa mapangahas na mga pulis na walang inatupag kundi lipulin ang mga sugapa sa pamamagitan ng makahayop na pamamaraan. Naging dahilan ito ng paglutang ng mga bintang na ang mga komunidad ay naging eksena ng digmaan -- walang araw halos na walang nakikitil. At laging idinadahilan na nanlaban ang mga drug suspects at kinailangang ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili laban sa panganib. Dahilan ito upang ikapit sa PNP ang pagiging utak ng extrajudicial killings (EJKs) na laging kinukondena ng mga kritiko ng Duterte administration.

Ang ganitong nakadidismayang impresyon ang marapat ngayong burahin ng PNP -- ngayong sa kanila muling iniatang ang pagpuksa ng illegal drugs. Ang panggigigil sa pagkalabit ng gatilyo ng baril laban sa mga drug suspects ay dapat nang maging bahagi ng lumipas. Rehabilitasyon na kaakibat ng pangangalaga sa buhay ng mga adik ang kailangan sa paglipol ng mga salot sa lipunan.