Ni Nonoy E. Lacson
ISABELA, Basilan – Anim na pulis, na dating tinagurian bilang “police scalawags” mula sa Metro Manila, ang itinalaga sa matataas na posisyon sa Basilan Police Provincial Office (BPPO).
Sinabi ni BPPO director Senior Supt. Nickson Muksan na si Chief Insp. Armando Reyes ay hepe na ngayon sa pulisya ng bayan ng Hadji Mohammad Ajul. Si Chief Insp. Dennis Gimena ang bagong hepe sa Tuburan; si Senior Insp. Ain Sanchez ang hepe ng Sumisip; at si Senior Insp. Bernardo Bacalso ang hepe ng Hadji Muhtamad Police.
Ang dalawa pang pulis na may mataas na puwesto sa BPPO ay sina Supt. Teodolfo Manatad, chief of operations; at Insp. Marian Sakay-labi, hepe ng Women and Children Protection Desk.
Giit ni Senior Supt. Muksan, nagpasya siyang bigyan ng pagkakataon ang anim na pulis makaraang patunayan ng mga ito na nananatili silang asset sa Philippine National Police (PNP).
Unang itinalaga ni Senior Supt. Muksan ang anim na pulis sa mga lugar na pinamumugaran ng Abu Sayyaf Group (ASG), at inatasan silang magpatrulya bilang bahagi ng parusa sa kanila.
Nasa 178 pulis mula sa Metro Manila ang itinalaga sa Basilan makaraang mapabilang sa tinatawag na police scalawags.
Sa nasabing bilang, anim ang opisyal at ang 172 pa ay itinalaga sa Provincial Mobile Group (PMG) ni Chief Insp. Parson Asadil.