Ni Rey G. Panaligan

Pinalaya ang may kabuuang 1,162 bilanggo sa isinagawang “Judgment Day,” isang nationwide project ng Supreme Court (SC) upang paluwagin ang mga selda at bawasan ang siksikan sa mga bilangguan.

Inihayag ni Court Administrator Jose Midas P. Marquez na sabay-sabay na isinagawa ang proyekto sa 14 na lugar noong Nobyembre 17 kasabay ng anibersaryo ng Office of the Court Administrator (OCA) ng SC.

Ipinakita sa OCA statistics na karamihan sa mga bilanggong napalaya ay mula sa Metro Manila—311 sa Quezon City, 223 sa Maynila, at 31 sa Makati City.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Sa mga lalawigan sa Luzon, 129 ang pinalaya mula sa Malolos City sa Bulacan, 55 mula sa Batangas City, 78 mula sa Angeles City sa Pampanga, 38 mula sa Baguio City, at pito mula sa Cagayan City.

Sa Visayas at Mindanao naman, 54 na bilanggo ang nakalaya mula sa Cebu City, sampu mula sa Lapu Lapu City, 35 mula sa Iloilo City, 22 sa Mandaue City, 99 sa Bacoloc City, at 70 sa Davao City.

Sinabi ni Marquez na pinalaya ang mga bilanggo matapos na dinggin ang kanilang kaso sa kanilang lugar.