Ni: Mary Ann Santiago

Isang 17-anyos na lalaki ang namatay nang barilin ng security guard sa bodega ng isang kumpanya ng beer matapos umanong tangkain na magnakaw ng isang case ng beer sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nasawi habang ginagamot sa Tondo General Hospital si Berlaser Berciles, out-of-school youth at residente ng Bukid Street, Balut, samantalang tinutugis na ng mga awtoridad ang guwardiyang si Mark Anthony Salde, nasa hustong gulang, na nakatalaga sa bodega sa Honorio Lopez Boulevard, kanto ng Buendia Street sa Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Balagtas, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 2:30 ng umaga at nagro-roving si Salde nang mamataan si Berciles na sa loob ng bodega at may bitbit na isang case ng beer.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Patakas na si Berciles kaya sinigawan siya ni Salde na huminto pero tumakbo pa rin kaya nagpaputok ang suspek gamit ang shotgun at natamaan si Berciles sa kaliwang hita, ngunit nakatawid pa rin sa kabilang bahagi sa labas ng warehouse.

Gayunman, nakorner si Berciles ng isa pang guwardiya sa bodega na si Matildo Omas-as at pinosasan, bago sinabihan si Salde na dalhin nila sa ospital ang binatilyo pero sinabihan umano siya ng suspek na huwag nang intindihin ang biktima.

Tumakas si Salde at mga kaanak ang nagsugod kay Berciles sa ospital, pero binawian din ito ng buhay.