TRUCK VS UV Nilalapatan ng paunang lunas ang isa sa limang biktima matapos banggain ng trailer truck ang isang UV Express sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling araw.  (MANNY LLANES)
TRUCK VS UV Nilalapatan ng paunang lunas ang isa sa limang biktima matapos banggain ng trailer truck ang isang UV Express sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling araw. (MANNY LLANES)

Ni MARY ANN SANTIAGO

Sugatan ang limang katao, kabilang ang isang driver at ang apat nitong pasahero, nang banggain ng trailer truck ang sinasakyan nilang UV Express sa Ermita, Maynila kahapon.

Isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) at nilapatan ng lunas ang tatlo sa mga biktima na sina Jaime Narciso, 53; at kanyang live-in partner na si Julie Rose Madrana, 25, kapwa ng Pasong Tamo, Quezon City, gayundin ang driver ng UV Express na si Noel Amarmenes, 46, ng Marikina City.

Tourism

National Museum, bukas na araw-araw

Samantala, hindi na nakuha ang pangalan ng dalawa pang biktima dahil hindi na naabutan ng mga imbestigador nang payagan agad ng mga doktor na makauwi.

Kaugnay nito, hawak na ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), ang suspek na si Petronilo Nilooban, 53, ng Sariaya, Quezon.

Ayon kay PO2 Benito Mateo, may hawak ng kaso, naganap ang aksidente sa Taft Avenue, kanto ng Ayala Boulevard sa Ermita, dakong 4:00 ng madaling araw.

Sakay ang mga biktima ng UV Express, na may numerong 137705, at pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang silang binangga ng trailer truck (EUE-4683) na pagmamay-ari ng Glory Trucking Services.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumagilid at nagkabasag-basag ang salamin ng van at nagtamo rin ng sugat sa ulo, braso, binti at katawan ang mga sakay nito.

Ayon sa ilang saksi, mabilis ang takbo ng truck at beating the red light kaya nabangga nito ang UV Express.

Pansamantala umanong huminto ang truck, ngunit kalaunan ay nagpasya ang driver nito na dumiretso at tinangkang tumakas ngunit naharang at naaresto pagsapit sa United Nations Avenue.

Agad dinala sa presinto si Nilooban upang imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso.