Ni: Mary Ann Santiago

Nalagutan ng hininga ang isang 4-anyos na lalaki nang masagasaan ng sports utility vehicle (SUV) habang nakasalampak sa gitna ng kalsada sa Sta. Cruz, Maynila, iniulat kahapon.

Isinugod pa sa ospital si Mark Zian Galicia, ng Tiago Street, Sta. Cruz, ngunit hindi na siya umabot nang buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Sa naantalang ulat ng Manila Traffic Bureau, naganap ang insidente sa Tiago St., sa Sta. Cruz, na sakop ng Barangay 369, bandang 3:30 ng hapon nitong Huwebes.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Una rito, nagpaalam si Mark sa kanyang ina na si Maricris na bibili lang ng meryenda sa tindahan ngunit nang makita ang mga kaibigan ay nakipaglaro na ito sa kanila.

Makalipas ang ilang sandal ay nag-uwian na umano ang mga kaibigan ng biktima habang ito ay nagpaiwan at naisipang sumalampak sa gitna ng kalsada.

Nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera ng barangay ang pagliko ng pulang SUV na minamaneho ng kanilang kapitbahay na si Rosario Castro, na noon ay patungo umano sa isang outing.

Hindi napansin ni Castro ang biktima kaya nasagasaan niya ito.

Nang maramdaman ni Castro na may nasagasaan siya ay agad siyang bumaba mula sa kanyang sasakyan at sinilip.

Nataranta si Castro nang makita ang duguang katawan ng bata at muling sumakay sa kanyang sasakyan at iniatras.

Muling bumaba ng sasakyan si Castro at binuhat ang bata at pumara ng tricycle upang isugod sa ospital, ngunit patay na ito.

Nakatakdang sampahan si Castro ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.